243 total views
Nanawagan ang CBCP Episcopal Commission on Youth na napapanahon ngayong ‘Year of Mercy’ na tulungan ang mga nangangailangan lalo na ang mahihirap na mag-aaral na nais makapasok sa mga paaralan subalit kapos sa pondo.
Ayon kay Rev. Fr. Kunegundo Garganta, executive secretary ng komisyon, ngayon ang panahon ng pagtutulungan mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang bigyang prayoridad ang edukasyon ng mga kabataan sa bansa.
Binigyang diin nito ang panawagan ng Simbahan sa kongretong pagbabahagi ng habag at awa ng Panginoon sa mga nangangailangan kasabay ng patuloy na paggunita ng Simbahang Katolika sa Extraordinary Jubilee Year of Mercy.
“Nasa taon tayo ng pagdiriwang ng Extraordinary Jubilee Year of Mercy, maipakita itong habag at awa na ito sa isang kongretong paraan ng pag-agapay doon sa mga may kahirapang magtaguyod para sa pag-aaral ng mga bata at alam ko naman na maraming institusyon kasama ng Simbahan na tumutulong para sa pangangailangan na tumutulong para sa pangangailangan para sa edukasyon lalo na nasa panahon pa rin ng adjustment yung K-12 Program kailangan talaga ng maraming pag-uunawaan at pagtutulungan sa bagay na ito sa lahat ng sektor ng ating lipunan…” dagdag pa ni Fr. Garganta.
Kaugnay nito, inihayag ng pari na nararapat magpasalamat ng mga mag-aaral na makapagpapatuloy ng pag-aaral ngayong pasukan sa kabila ng maraming estudyanteng naman ang hindi makakatuntong sa mga paraalan dahil sa kahirapan.
Panawagan ito ng pari para sa mga mag-aaral at pamilya na hindi sapat ang kakayahan na makapagpatuloy ng pag-aaral dulot na rin ng implementasyon ng K-12 Program dala na rin ng kakapusan sa buhay.
“Alam nating itong panahong ito may mga mag-aaral tayo at mga magulang na humaharap din ng ilang suliranin at mga problema na nasa panganib na hindi makapag-aral o magakapagsimula sa taong ito ng pag-aaral, yung mga may kakayahan at may mga pagkakataon para sila ay makapagpatuloy alalahanin nila yung mga nasa mahirap na katayuan o kalagayan kung may tulong na magagawa to be able to share whatever help is available..” ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Garganta sa Radio Veritas.
Ngayong Hunyo, inaasahang nasa mahigit isang milyon ang papasok na mga mag-aaral sa Senior High School alinsunod na rin sa full implementation ng K-12 Program sa bansa.
Samantala, ayon sa tala ng National Statistical Coordination Board (NSCB) noong 2014, sa nakalipas na limang taon ay 11 sa bawat 100 batang Pilipino may edad 6 hanggang 11 taon ang hindi pumapasok sa elementarya, habang 40 sa bawat 100 bata may edad 12 hanggang 15 taon naman ang hindi rin nakakapasok sa sekondarya.
Bukod dito, higher education, sa mga may edad 20-34 taon, 1.9% lamang ang graduation rate noong 2000 at tumaas lamang ito ng 2% noong 2010.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority noong 2013, nasa 4 na milyon ang out of school youth na may gulang 6 hanggang 34.