326 total views
Tiniyak ni Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon ang patuloy na pagsisikap na maisulong ang misyon ng prison ministry ng Simbahang Katolika.
Ito ang ibinahagi ng Obispo kaugnay sa kanyang muling pagkakahalal bilang Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care.
Sa online program ng komisyon na may titulong ‘Narito Ako, Kaibigan Mo!’ ay ibinahagi ni Bishop Baylon na patuloy na pagsusumikapan ng kumisyon ang kapakanan ng mga bilanggo at kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa Obispo, hindi matatawaran ang adbokasiya at pangarap ng prison ministry ng Simbahang Katolika para sa ikabubuti ng mga Persons Deprived of Liberty gayundin sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay sa labas ng bilangguan.
“There is a reason to continue to pursue the values, the advocacies, the dreams that we have together with the PDLs and the families parang ganun. Ang gandang magsikap pa rin sa kabila ng kakaunting sabihin na nating tagumpay nandun tayo, kaya nga I’m very happy so ito na ang huling dalawang taon ko, pagbubutihin ko na ng maigi.” pahayag ni Bishop Baylon.
Si Bishop Baylon ay muling naihalal sa katatapos lamang ng 122nd Plenary Assembly ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa bilang chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na nagsisilbi bilang pangunahing prison ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).
Ito ang magsisilbing ikalawang termino ni Bishop Baylon bilang chairman ng prison ministry na una ng naglingkod ng dalawang taon sa nasabing katungkulan.