1,434 total views
Dapat ipagmalaki ng bansang Pilipinas ang hindi pag-iral ng diborsyo sa bansa.
Ayon kay Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr.-ito ay karangalan ng mamamayan-ang pagbibigay halaga sa kasal at sa pamilya,
“Karangalan natin ‘yan at ‘wag nating itatapon! Sapagkat alam ninyo bakit ba naman natin ang bagay na hindi natin dapat ipagmalaki, ipagmamalaki natin?” ayon kay Bishop Bacani.
Bukod sa Vatican, tanging ang Pilipinas na lamang ang bansang walang divorce law.
Una na ring inaprubahan ng House Committee on Population and Family Relations ang tatlong inakdang divorce bill sa Mababang Kapulungan.
Paliwanag ni Bishop Bacani, ang pinagsama ng Panginoon ay walang sinuman ang makakapaghiwalay.
Naniniwala ang obispo na ang pagsasabatas ng diborsyo ay higit lamang magpapalala sa kalagayan ng pamilya lalu na sa kanilang mga anak.
“Hindi solusyon ang divorce it will only make things worse. At habang meron pa tayong napakagandang katangiang ganyan atin itong pangalagaan at atin itong ipagmalaki,” ayon kay Bishop Bacani.
Payo ng obispo sa halip na diborsyo dapat turuan ang kabataan o nais na magpakasal ng pre-marital education para makilala ang kahalagahan ng kasal at ang isa’t isa nang maihanda sa buhay ng pagpapamilya.
Malaking bahagi din ang mga magulang na ipakita ang mabuting ehemplo ng pagsasama bilang mag-asawa sa kanilang mga anak.
“Kung kayo ay mag-asawa at ang mga anak ninyo ay maihanda sap ag-aasawa ay magpakita din kayo na napakagandang pagsasama ng bawat isa. Sapagkat makikita nila ang kagandahan ng buhay mag-asawa,” ayon pa kay Bishop Bacani.