425 total views
Binigyang-diin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang pagtutulungan ng simbahan at pamahalaan ang lulutas sa problema ng bansa sa iligal na droga.
Ayon sa DILG Undersecretary for Operations Atty. John Castriciones, ang pagsasanib-puwersa ng dalawang institusyon ang tanging tutugon sa iba’t ibang suliranin sa lipunan partikular na ang usapin sa ipinagbabawal na gamot.
Sinabi ni Castriciones na ang lahat ng bagay ay nabibigyan ng resolusyon kapag nagkakaisa.
“Napakaganda pong tingnan na kapag nagtutulungan ang simbahan at ang ating pamahalaan makikita po natin doon ang tinatawag nating pagkakaisa. Lahat naman ng bagay ay nabibigyan ng resolusyon kapag nagkakaisa. We have to maintain a society that is composed of the people so itong pagtutulungan na ito napakabuti po nito at sana po ay maipagpatuloy natin para magkaroon po ng kalunasan at matuldukan po natin ang ating problema sa iligal na droga,” pahayag ni Castriciones.
Idinagdag pa ni Castriciones na bagamat nasasaad sa konstitusyon ang separasyon ng simbahan at estado, tungkulin pa rin ng bawat isa na magtulungan upang tutukan at solusyunan ang maiinit na usapin sa bansa lalo’t higit ang drug problem.
Magugunitang isang taon na ang nakalipas buhat nang ilunsad ng Archdiocese of Manila ang 6-month church initiative and community-based drug rehabilitation program na Sanlakbay kung saan 139 na drug addicts ang nagtapos at nagbigyan ng pagkakataong muling magbagong buhay sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police, Department of Interior and Local Government at Philippine Drug Enforcement Agency.
Patuloy naman ang pagpapaalala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga drug surrenderers na maging matatag sa pagharap sa mga tukso at talikdan ang pagsamba sa mga huwad ng diyos tulad ng salapi, alkohol, sugal at droga.