545 total views
Ikinagalak ng mga Diyosesis sa Luzon Region ang ginagawang pagtutulungan ng iba’t-ibang organisasyon ng Simbahang Katolika para makatugon sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng kalamidad.
Ito ay matapos na maglabas ang Caritas Manila ng mahigit sa 800 libong piso para ipangtulong sa mga lalawigan na naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo na nanalasa sa bansa partikular na sa Central at Northern Luzon.
Sa isinagawang pag-iikot ng ‘Damay Kapanalig Team’ ng Radyo Veritas at Caritas Manila noong sabado ika-27 at 28 ng Hulyo sa Archdiocese of San Fernando Pampanga, Diocese of Tarlac at Diocese of Balanga ay ipinahatid ng mga kinatawan ng mga nabanggit na diyosesis ang kanilang pasasalamat at kagalakan sa natamong ayuda para sa kanilang ginagawang relief operation.
“Malaking bagay po itong binigay ninyo na tulong para sa Diyosesis ng Tarlac at nais ko lang po ibahagi sa inyo na we were able to provide almost 3,000 Bags malaking bagay po ito. Pahayag ni Fr. Randy Salunga, Director ng Caritas Tarlac.
Aminado si Fr. Salunga na matagal nang aktibo ang Simbahan sa relief operation ngunit mas lalo pa itong napapaigting sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t-ibang organisasyon ng Simbahan.
“Ever since ginagawa na natin yan pero ngayon ramdam na ramdam ang pagkilos at malasakit natin sa kanila at ito po ay nangyari dahil sa tulong ninyo.” Dagdag pa ni Fr Salunga.
Kaugnay nito, nagpapasalamat din ang kura-Paroko ng San Andres Parish sa Candaba Pampanga sa ginawang pagtugon ng Caritas Manila at Radyo Veritas.
“Nagpapasalamat po kami sa inyo dahil nakarating kayo dito sa Candaba sa tulong ng Caritas Manila, Radyo Veritas at SACOP o Social Action Center of Pampanga, sa kasalukuyan po ay nagbibigay na kami ng relief at napakalaking tulong po ang ginagawa ninyo.” Pahayag ni Rev. Fr. Greg Vega, Parish Priest sa Candaba Pampanga.
Kaugnay nito nagpadala din ng tulong ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa Archdiocese of San Fernando Pampanga at Diocese of San Jose Nueva Ecija habang tumugon din ang NASSA-Caritas Philippines sa mga Diyosesis sa Pangasinan at Nueva Ecija.
Magugunitang una ng binatikos ng ilang mga netizens at ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga ginagawa ng Simbahang Katolika sa kabila ng patuloy nitong pagkilos at pagsisislbi sa mga mahihirap.