620 total views
Ikinagalak ni Caritas Manila Disaster Risk Reduction and Management Program Priest Minister Rev. Fr. Ric Valencia ang pagtutulungan ng mga nasunugan at volunteers ng Simbahan sa oras ng kalamidad.
Ayon kay Fr. Valencia,hindi matatawaran ang kabutihan na kanilang nasaksihan mula sa mga volunteers ng Baseco, Tondo na nasunugan nito lamang nakalipas na linggo at siya ngayong kumikilos para makatulong sa mga nasunugan sa kalapit na barangay na Parola Compound.
Giit ni Fr. Valencia, isa lamang itong pagpapakita ng pagkakaisa at pagnanais na makabawi sa kabutihan na itinataguyod ng Simbahang Katolika sa oras ng pangangailangan.
“Isa sa nakakatuwa na nangyari yun mga lugar na natulungan natin before [Baseco] ay silang tumutulong dito sa mga kababayan naman nila na nasunugan [Parola] kaya sabi ko sa kanila ang mahal na Cardinal [Luis Antonio Tagle] nagpapasalamat hindi lamang sa ating mga donors kundi maging sa mga volunteers,” pahayag ni Fr. Valencia sa panayam ng Radyo Veritas.
Magugunitang nitong nakaraang Huwebes ika-2 ng Pebrero ay nasa mahigit 200 kabahayan ang nasunog sa Baseco compound, Tondo Maynila kung saan agad din tumugon ang Caritas Manila sa pamamagitan ng pagpapadala ng relief goods.
“Sabi nga natin sino pa ang unang nakakaunawa sa kanila kundi kayo kahit mga kababaihan walang kasawa-sawang magbuhat ng mga sako ng mga relief.” ani Fr. Valencia.
Kaugnay nito patuloy ang pag-apela ng nasabing social arm ng Archdiocese of Manila para sa mga gustong tumulong at magbahagi ng donasyon sa mga biktima ng sunog.
Nauna rito, nagpaabot ng pasasalamat at panalangin si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga tumulong sa mga biktima ng sunog sa Parola, Tondo, Manila.