280 total views
Naniniwala ang Archdiocese of San Fernando, Pampanga na mahalaga ang pagtutulungan at pagkakaisa para mas maging epektibo ang pagtugon ng Simbahan sa kalamidad.
Ayon sa Social Action Director ng nasabing Arkidiyosesis na si Rev. Fr. Kenneth Alde, umaasa siya sa magandang idudulot ng maagap na pagkilos ngayon ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na magkaroon ng komprehensibong paghahanda ang mga Diyosesis sa epekto ng mga magaganap na kalamidad.
Nanindigan si Fr. Alde na bagamat sila mismo sa Pampanga ay hindi rin ligtas sa banta ng iba’t-ibang kalamidad ay nagnanais din na makatulong sa ibang lalawigan.
“Kami po ay laging naapektuhan ng kalamidad subalit kahit ganoon nangangarap kami na kapag may pangangailangan ang ibang Diocese ay bukas din po ang Archdiocese of San Fernando para tumulong din at makipag-tulungan,” ani Fr. Alde sa panayam ng Veritas 846.
Aminado si Fr. Alde na ang kahandaan sa kalamidad ay hindi natatapos sa isang pagpupulong lamang at kailangan itong bigyan ng mas malalim na pagtalakay at paguusap-usap.
“Kailangan lang talaga natin umupo, magtrabaho at mag-plano para coordinated ang atin mga efforts, magiging efficient tayo, dahil meron tayong economy scale mas malaki ang impact natin dahil sama-sama tayo,” dagdag pa ni Fr. Alde.
Sa isinagawang pag-aaral ng isang riks anaylsis firm na Verisk Maplecroft noong taong 2015, sinasabing ang San Fernando Pampanga ay ika-anim sa 100 mga siyudad sa buong mundo na maituturing na “most at risk” sa mga posibleng maganap na kalamidad gaya ng lindol, baha, storm surges at volcanic eruption.
Sa kabila nito, ang Arkidiyosesis ng San Fernando ay nanatiling matatag at patuloy na tumutugon sa pangangailangan ng mga apektado ng kalamidad kung saan nito lamang taong 2015, kasabay ng pananalasa ng bagyong Lando ay agad silang nakapagsagawa ng relief operation para sa may mahigit 11 libong pamilya.