336 total views
Umaasa ang Prelatura ng Marawi na magkaroon ng mas bukas na ugnayan at pagtutulungan ang pamahalaan at ang Simbahan sa pagsusulong ng rehabilitasyon sa syudad ng Marawi makalipas ang apat na taon mula ng maganap ang Marawi siege noong 2017.
Sa mensahe ni Marawi Bishop Edwin dela Peña, MSP, D.D sa social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines,,binigyang diin ng Obispo ang kahalagahan ng ugnayan at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang mas epektibong mapagplanuhan ang mga hakbang sa muling pagsasaayos ng nasirang syudad.
Ipinaliwanag ng Obispo bukas at handa ang Simbahan upang makipagtulungan sa pamahalaan para maisaayos ang kapakanan ng mamamayan ng Marawi.
“Sana parallel ang aming walking together minsan [kasi] they go on their own, we go on our own parang we lack that kind of parang synergy yun ang dapat siguro na i-develop natin that the Church is not a burden or a barrier pwede naman tayong magsama, after all we are serving the same people pareho lang naman yan yun lang siguro ang kailangan natin we have to develop that.” mensahe ni Bishop dela Peña.
Kasama si Bishop dela Peña at ilang kinatawan mula sa Caritas Philippines ang nagtungo sa syudad upang personal na makita at masuri ang sitwasyon ng mamamayan ng Marawi makalipas ang apat na taon.
Kaugnay nito muling nanawagan ang Caritas Philippines sa pamahalaan para sa kongkretong plano at hakbang sa muling pagsasaayos ng syudad ng Marawi gayundin para sa kalagayan ng mga mamamayan.
Umaasa naman ang Simbahan na ganap na ikonsidera ng pamahalaan ang kapakanan hindi lamang ng mga Maranao kundi maging ng mga Kristiyano na naninirahan sa syudad.
Batay sa tala, aabot sa 60-libong mga pamilya ang nawalan ng tahanan at ari-arihan dahil sa naganap na Marawi siege kung saan may 126-na libong mga residente pa rin ng Marawi ang pansamantalang naninirahan sa mga temporary housing.
Bukod sa mga tahanan at mga establisyemento sa syudad ilang mga kapilya at mga lugar dalanginan rin ang nasira dulot ng bakbakan kabilang na ang Saint Mary’s Cathedral.