2,051 total views
Nanindigan ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na ang pagtutulungan ng mga Pilipino ang tugon sa dinaranas na krisis sa ekonomiya ng bansa.
Ito ang panawagan ni Bro.Jun Cruz, pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas (SLP)sa mga Pilipino matapos maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mabilis na 5.4% inflation rate sa nagdaang buwan ng Mayo.
Nilinaw ni Cruz na tanging magagawa ng mga nagigipit na working class ay magtipid habang ang mga nakakataas at may kakayahan ay nararapat na tumulong para paandarin ang ekonomiya.
“Sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, ang palaging nagigipit ay ang mga working class, Sa ganitong mga panahon din, ang nagiging solusyon ng marami ay ang magtipid at huwag gumastos o mamili. Ngunit sa mga nakatataas at capable, kailangan ngayon na sila ay tumulong na paandarin ang ekonomiya,” pahayag ni Cruz sa Radio Veritas.
Ayon pa kay Bro. Cruz, sa pamamagitan ng mga maliliit na hakbang tulad ng pagbili sa maliliit na tindahan, negosyo at sa mga naglalako sa lansangan ay matutulungan ng bawat isa na kumita.
Umaapela din ng Pangulo ng S-L-P sa mga nakakatanggap ng buwanang OFW remittances na magsimula ng maliliit na negosyo upang magkaroon ng dahan-dahang pag-unlad ang ekonomiya ng bansa.
“Gayundin ang mga nakatatanggap ng mga remittances sa OFWs, gamitin natin ang mga pera upang makagawa ng maliliit na negosyo sa ating pamayanan, Let us create small circular economies within our communities and give others a chance to earn also,” ayon pa kay Bro.Cruz.
Unang nagbabala si Department of Agriculture Secretary William Dar sa posibilidad ng pagkakaroon ng food crisis sa mga susunod pang buwan.
Inihayag din ng economic expert na si Astro Del Castillo ang pagtaas pa ng presyo ng mga bilihin dahil sa digmaan ng Russia at Ukraine na nagdulot ng pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.