186 total views
Hindi magiging madali ang pagtuturo ng mabuting ugali at asal sa mga kabataan kung mananatiling mali ang kanilang nakikita mula sa mga mas nakatatanda partikular na sa pinakamatataas na opisyal ng pamahalaan.
Ito ang binigyan diin ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – Former President ng St. Scholastica’s College at Co-Chairman ng AMRSP kaugnay sa planong pagtutok ng Department of Education sa pagbibigay ng Good Manners and Right Conduct sa mga kabataang mag-aaral.
Ipinaliwanag ni Sr. Mananzan na napakapagmasid ng mga kabataan sa kanilang mga nakikita at naririnig kaya’t madali rin nila itong nakukuha at nagagaya ng walang kamalay-malay.
“Napakahirap na magturo ngayon ng ganun courtesy, good manners kasi nga yung example na binibigay nung mga highest government officials natin nakikita ng mga bata yun. Napaka-observant kasi ng mga bata so nakikita nila how the adult talk and how they behave syempre parang osmosis yun diba parang nakukuha nila even unconsciously…” pahayag ni Sr. Mananzan sa panayam sa Radyo Veritas.
Dahil dito, umaasa si Sr. Mananzan na ang lahat ng mga opisyal na namumuno sa bansa ay iwasan na ang pagmumura partikular na ang paggamit ng mga salitang nakaiinsulto sa mga kababaihan.
Iginiit ng Madre na hindi dapat na magpatuloy ang nagiging “new normal” o ang pagiging normal na lamang na kabastusan sa lipunan na maihahalintulad sa isang nakahahawang sakit na madaling nakukuha at nagagaya ng mga mamamayan partikular na ng mga kabataan.
“Lahat sana ng ating mga namumuno ay huwag na po naman silang magmura, especially yung pagmumura na nakakainsulto sa babae at sa ina natin lahat naman tayo may ina at kapatid na babae. Alam mo kasi parang nakikita ko ngayon ang new normal is kabastusan at saka yung kabastusan is very parang disease na infection disease na everybody gets infected…” dagdag pa ni Sr. Mananzan
Samantala, pabiro namang inihayag ng Madre na tila mas kakailanganin ng DepEd na simulan ang pagtuturo ng GMRC sa mga opisyal ng pamahalaan sapagkat sila ang dapat na magsilbing huwaran ng mga kabataan sa pagkakaroon ng mabuting asal.
“This is joke lang, pero dapat siguro may isang klase for all government administrators, government officials mag-klase siguro si Secretary Briones ng Good Manners and Right Conduct para sa kanila lang, sila muna ang turuan kasi sila ang example.” ang pabirong mungkahi ni Sr. Mananzan.
Naunang inihayag ni DepEd Secretary Leonor Briones ang pagnanais ng kagawaran na muling suriin ang curriculum ng K-12 Program upang maidagdad ang Good Manners, Right Conduct at Proper Values upang mapalakas ang basic values ng mga kabataan mula Kindergarden, Grade 1 at Grade 2 na naglalayun din maging tugon laban sa mga hindi naaangkop na salik sa lipunan na maaring makapagdulot ng negatibong impluwensya sa mga kabataan.