1,143 total views
Malaking hamon sa mga magulang at mga guro ang pagtuturo ng mabuting asal sa mga kabataan dahil sa epekto ng mga nakikita sa kapaligiran partikular na sa pag-uugali ng ilang lider ng bansa.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers Partylist Representative Antonio Tinio, labis ang epekto sa mga kabataan ng pagmumura, pambabastos at kawalan ng paggalang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kapwa na nakikita sa telebisyon.
“Malaking challenge po para sa magulang na nagpapalaki ng anak at para sa mga teachers sa kanilang mga estudyante dahil kung ang pangulo natin mismo na siyang dapat pangunahing role model sa mga kabataan ay nagpapakita ng masamang halimbawa.” pahayag ni Tinio sa Radio Veritas.
Sa kabila nito ay dapat mas pag-ibayuhin ang pagtuturo sa mga kabataan ng magandang pag-uugali tungo sa kapwa at sa bayan na pinahahalagahan ang karapatan ng bawat isa.
Ipinaliwanag ng mambabatas na panahon na upang magtampok ng ibang role model sa mga kabataan at mamamayan dahil marami pa rin ang mga Filipinong marangal at may paggalang sa kapwa na magsisilbing magandang halimbawa sa bayan.
Batay sa panukala ng Department of Education, iminumungkahi nito ang pagkakaroon ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) Class sa mahigit 27 -milyong mag-aaral sa bansa sa ilalim ng K – 12 program.
Layunin ng DepEd na matugunan ang pagbabago ng lipunan na nakakaapekto sa pag-uugali ng kabataan dulot ng makabagong teknolohiya at iba’t ibang kaganapan sa kapaligiran.
Sa mensahe ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa pagtitipon ng mga guro sa Italya, binigyang diin nito na bagamat nakatutulong ang makabagong teknolohiya sa pagtuturo ng asignatura, mas mahalagang maibahagi sa mga kabataan ang pagmamahal, pag-uunawa at pagpapahalaga sa kapwa, mga mahalagang salik upang magkakasundo at magkaisa ang bawat isa.