10,272 total views
Tiniyak ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commisison on Catechesis and Catholic Education ang pakikiisa sa mga hakbang upang iwawaksi ang child labor o sapilitang pagtatrabaho ng mga bata.
Ito ang mensahe ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto sa paggunita ng International Day Against Child Labor.
Ayon sa Obispo, ang suliranin ng kahirapan at human trafficking ang dahilan kung bakit sapilitang nagtatrabaho ang mga bata na dapat sana ay tinatamasa ang kalayaang makapag-aral, maglaro at makapamuhay bilang isang bata.
“Sana sa ating pakikibaka sa paglaban natin sa kahirapan, alam natin na dala ng kahirapan kaya marami ang mga bata ang mga bata na nagtatrabaho, hindi na nag-aaral, yan ay bunsod ng kahirapan na nawa ang ating gobyerno ay makagawa ng maraming mga pamamaraan, upang mapigilan o maiangat, upang mapigilang ang kahirapan at maingat ang buhay ng ating mamamayan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Presto.
Nawa ayon pa sa Obispo, ay magkaroon din ng pagkakaisa ang mga mamamayan upang makapagsimula ng mga hakbangin na tulungan ang mga bata mula sa sapitlitang pagtatrabaho at mga programang upang maiangat ang kalidad ng kanilang pamumuhay mula sa kahirapan.
Sa tala ng pamahalaan noong 2023, umabot sa higit 900-libong batang Pilipino ang biktima ng Child Labor, habang ayon naman sa datos ng International Labor Organization, kada taon ay umaabot sa hanggang 152-milyong bata ang biktima ng child labor sa buong mundo.