493 total views
Hinimok ng opisyal ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) ang mga katolikong Pilipino sa Middle East na pagyamanin ang pananampalatayang kristiyano.
Ito ang mensahe Fr. Troy De Los Santos, OFM Capuchin ang Vicar General ng AVOSA sa pagtatapos ng 500 Years of Christianity celebrations sa United Arab Emirates.
Hamon ng pari sa mga Overseas Filipinos sa UAE na patuloy ipalaganap ang kristiyanismo bilang mga misyonerong katuwang ng simbahang katolika.
“Hindi ibig sabihin na tinatapos natin ang selebrasyon [500YoC] ay hihinto na tayo, bagkus tayong mga Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi at sa buong UAE ay patuloy nating papagningasin, papag-alabin at pagyamanin ang magandang regalo ng ating pananampalataya na tinanggap ng mga ninunuo,” pahayag ni Fr. De Los Santos sa Radio Veritas.
Ginanap ang ‘closing mass’ ng ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa Saint Joseph Cathedral sa Abu Dhabi na dinaluhan ng daan-daang OFWs sa pangunguna ni Fr. De Los Santos noong April 24 kasabay ng kapistahan ng Divine Mercy.
Kasabay ng pagdiriwang ng 500YoC sa Pilipinas, inilunsad din ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi ang iba’t ibang programa tulad ng mga online recollection at mga panayam ng mga lider ng simbahang katolika na makatutulong mapayabong ang kristiyanismo kahit malayo sa Pilipinas.
Ilan sa mga nagbahagi ng panayam ay sina Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Dicastery for New Evangelization, CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David at iba pang opisyal ng simbahan sa Pilipinas.
Hamon ni Fr. De Los Santos sa bawat Pilipinong katoliko na ipagpatuloy ang pagiging misyonero sa bawat komunidad na kinabibilangan.
“Tungkulin ng bawat isa na ipasa ang kaloob na pananampalataya sa mga susunod na henerasyon,” giit ni Fr. De Los Santos.