447 total views
Umaasa ang punong pastol ng Diyosesis ng Novaliches na higit pagyamanin ng mananampalataya ang diwa ni Kristo sa tulong ng mga banal ng Simbahang Katolika.
Hinimok ni Bishop Roberto Gaa ang mananampalataya na alalahanin ang mabuting halimbawa ng yumaong banal at mga mahal sa buhay sa halip gawing katatakutan ang paggunita ng Undas.
Ayon sa Obispo, kailangang nakasentro sa pananampalataya ang Araw ng mga Santo at Araw ng mga Patay na panahon ng panalangin at pagpaparangal sa mga namayapa.
“Sana makita din natin na yung ating pananampalataya ay nagdadala sa atin ng pag-asa, magdadala ng kapayapaan; panahon ito ng pagdarasal sa mga yumao at mga banal,” pahayag ni Bishop Gaa sa Radio Veritas.
Pinaalalahanan ng Obispo ang mananampalataya na ang nakaugalian na halloween o pagsusuot ng mga nakatatakot na maskara ay taliwas sa katuruan ng simbahan at hindi angkop na gawain sa paggunita ng mga banal.
Inihayag ni Bishop Gaa na bilang mga Kristiyano ay gamitin ang pagkakataon na palaganapin ang wastong turo ng pananampalataya.
“Mag-ingat po tayo na malihis sa turo; huwag nating kalimutan ang ating pananampalataya at lagi po tayong nakatutok sa pagpapalaganap at pagpapalago ng ating pananampalataya,” dagdag pa ni Bishop Gaa.
Sa mga nakalipas na todos los santos, unti-unting pinalaganap sa Pilipinas ang tradisyong ‘parade of saints’ kung saan magbibihis ang mga bata ng damit ng Santo.
Ngayong taon, hinimok ang mananampalataya na ituon ang panahon sa pagdarasal sa mga simbahan at sa mga tahanan dahil ipinagbabawal ang pagdalaw sa mga sementeryo hanggang sa ikaapat ng Nobyembre bilang pag-iingat ng pamahalaan na kakalat pa ang corona virus disease.