369 total views
Hinimok ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang mananampalataya na ngayong Pasko ay sikaping magbalik-handog sa Diyos sa pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha.
Ayon kay Bishop Ongtioco, simbolo ng Pasko ng pagsilang ng Panginoon ang pagbibigayan kaya bilang mga katiwala ay pangalagaan ang kalikasan upang patuloy na yumabong para sa susunod na henerasyon.
“Ang kalikasang ipinagkatiwala ng Diyos sa tao kung tutuusin natin ay nagbibigay-buhay. Kaya sa Paskong ito sana mag-isip po tayo. Papaano natin ginagalang ang mga handog, biyaya lalo na ang kalikasan na pinagkatiwala ng Diyos sa atin upang ito’y mapaunlad at mapaunlad din ang buhay natin?,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang-pansin din ng obispo ang malawakang pinsalang iniwan ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao na umabot na sa libo-libong katao ang naapektuhan.
Ipinaliwanag ni Bishop Ongtioco na ang pagmamalabis at kapabayaan ng mga tao ang nagiging sanhi ng pagbabago ng klima ng mundo na humahantong din sa paglala ng mga sakunang dumaraan sa bansa.
“We have not taking care of our nature. Either ‘yun ay sa pagmimina o pagpuputol ng mga punongkahoy. It’s a call for all of us na alagaan ang kalikasan na pinagkatiwala ng Diyos,” ayon kay Bishop Ongtioco.
Panawagan naman ng obispo na nawa ngayong Pasko ay manaig ang pagmamahal, pagkakaisa at pagtutulungan upang sama-samang makabangon mula sa mga pagsubok ng buhay.