2,904 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ‘systemic’ o sistematiko ang problema ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga alagad ng batas ng bansa.
Ito ang ibinahagi ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David- pangulo ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa, kaugnay sa mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga alagad ng batas sa mga nakalipas na linggo.
Partikular na tinukoy ng Obispo sa kanyang Facebook post ang pinakahuling kaso ng panunutok ng baril ng isang dating pulis sa isang siklista na nakaalitan sa lansangan sa Quezon City.
Ayon kay Bishop David, ang mga serye ng pang-aabuso sa posisyon at kapangyarian ng mga pulis ay maituturing na sumasalamin sa sistematikong suliranin na dapat na matugunan sa hanay ng mga alagad ng batas sa bansa.
“The string of recent events pertaining to police officers abusing their authority in the past few weeks could be indicative of the fact that the problem is “systemic”.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop David.
Una nang nanawagan si Bishop David sa mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na gampanan ang kanilang mandato bilang alagad ng batas at tagapagtanggol ng mamamayan sa lipunan.
Giit ng Obispo, ang mga pulis ay mga alagad lamang ng batas na dapat na tupdin ang kanilang mandato bilang tagapag-ingat, at tagapagligtas ng buhay ng mamamayan.
“Mga kapatid na pulis hindi kayo ang batas, mga alagad lang kayo ng batas, hindi kayo inatasan, binihisan ng uniporme, inarmasan at binabayaran mula sa buwis ng bayan para pumatay kundi para magsilbi bilang aming mga tagapagtanggol, tagapag-ingat, at tagapagligtas ng buhay ng mga mamamayan na inyong pinaglilingkuran.” Una ng binigyang diin ni Bishop David.
Pahalagahan ang buhay ng tao, panawagan ni Bishop David sa PNP
Nasasaad sa Encyclical ni Pope John the 23rd noong 1961 na MATER ET MAGISTRA on Christianity and Social Progress na bahagi ng tungkulin ng estado ang protektahan ang kapakanan at isulong ang mga karapatan ng lahat ng mamamayan partikular na ang itinuturing na mahihinang kasapi ng lipunan kabilang na ang mga mahihirap, matatanda mga bata at maging ang mga kababaihan.