12,406 total views
Hinamon ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ang mga pinuno sa buong mundo na gawing political priority ang pakikiisa sa pagpapatupad ng mga polisiyang nakapaloob sa ‘Geneva Conventions’.
Ayon kay ICRC President Mirjana Spoljaric, ito ay upang higit na maisulong ang pagpapahalaga sa International Humanitarian Law at pagkilala ng mga bansa sa kahalagahan ng buhay at dignidad ng tao.
“In a divided world, the Geneva Conventions and international humanitarian law embody universal values that preserve lives and dignity, they are essential to preventing and protecting against the worst effects of war, and ensuring that everyone, even an enemy, is treated as a human being,” ayon sa mensahe ni Spoljaric na ipinadala ng ICRC sa Radio Veritas.
Iginiit ng ICRC na nakapaloob sa Geneva Conventions ang mga International Humanitarian Laws (IHL) na sinunusunod at bayatan ng maraming bansa sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kapakanan ng mga mamamayang naiipit sa ibat-ibang uri ng sigalot.
Ang apela ni Spoljaric ay matigil na ang mga sigalot at digmaan sa pagitan ng Russia sa Ukraine, Israel at Palestine upang maiwaksi ang paghihirap na idinudulot sa mga inosenteng mamamayan.
Ang mensahe ng ICRC ay ipinarating sa ika-75 taong anibersaryo ng International Commission na itinatag noong August 12, 1949, kasabay ng paggunita sa buong mundo ng International Humanitarian Law Day (IHL) tuwing August 12.