6,993 total views
Umaapela si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mamamayan lalo na sa mga botante na pahalagahan ang karapatang pumili ng mga lider ng bayan.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagsisimula ng election season kasunod ng filing of candidacy ng mga naghahangad kumandidato sa 2025 Midterm National and Local Elections.
Ayon kay Bishop Uy ang halalan ang natatanging paraan upang pumili ng mga karapat-adpat na lider na kayang paglingkuran ang interes ng mamamayan sa halip na tutukan ang korapsyon at iba pang uri ng katiwalian sa paninilbihan.
“Our vote is sacred. We will use it to choose leaders who are godly and competent,” mensahe ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Aktibong nakibahagi si Bishop Uy sa paghahanda sa halalan sa susunod na taon sa pamamagitan ng online voters’ education gamit ang kanyang social media platforms at suporta rin sa inilunsad na END Vote Buying Movement.
Apela ng obispo lalo na sa mga magulang na maging mabuting halimbawa sa kabataan sa pamamagitan ng hindi pagtanggap ng anumang uri ng suhol mula sa mga kandidato sa halalan.
“For parents who are thinking of accepting bribes from candidates…setting a bad example for your children is very displeasing in the eyes of God,” dagdag pa ni Bishop Uy.
Ang End Vote Buying Movement ay inorganisa nina Lily Flordelis kasama sina retired General Edgardo Ingking at Fr. Jingboy Saco ng Diocese of Tagbilaran.
Ito rin ang panawagan sa 1 Godly Vote campaign ng Radio Veritas at Public Affairs Ministry ng Archdiocese of Manila bilang hakbang ng simbahan sa kampanyang malinis at matapat na halalan.
Ipinaliwanag ni Veritasan Host Fr. Jerome Secillano na layunin ng kampanyang maging malinaw sa mahigit 60-milyong botante sa bansa ang wastong pagpili ng mga lider ng lipunan.
“It is a campaign for the voters to take seriously the elections. Gawin natin na yung pagpipili natin ng mga kandidato ay isang maka-Diyos,” pahayag ni Fr. Secillano.
Sinabi ni Fr. Secillano na dapat makita ng mga botante na ang mga ihahalal na lider ay may tunay na hangaring paglingkuran ang mamamayan at magbibigay prayoridad sa pangkalahatang pag-unlad ng bayan.
Nagsimula ang election season noong October 1 sa paghahain ng kandidatura ng mga kakandidato habang itinakda ng Commission on Elections ang 90-day campaign period ng national candidates sa February 11, 2025 habang March 28 naman ang local candidates.
Nakatakda ang midterm elections sa May 12, 2025.