570 total views
Hinikayat ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na patuloy ipaglaban ang kalayaan para sa kabutihan ng nakararami.
Ito ang mensahe ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ng CBCP-Office on Stewardship sa pagdiriwang ng ika-124 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa June 12.
Ayon sa obispo mahalagang alalahanin ng bawat Pilipino ang kasarinlang tinatamasa ng bansa dahil sa pakikipaglaban ng mga ninuno.
“Huwag natin i-surrender ang Kalayaan natin na mag-isip, na magsalita, na maniwala at ng sama-samang pagkilos para sa kabutihan ng lahat. Ipasalamat, ipagdasal at panindigan natin ang ating kasarinlan,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Tinukoy ng opisyal ang pakikipaglaban noon ng mga Pilipino laban sa mga Kastila, Amerikano at Hapones upang matamo ang kalayaan ng Pilipinas sa pambibihag ng mga dayuhan.
Dapat ding alalahanin ayon kay Bishop Pabillo ang pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa katarungan at kapayapaan laban sa Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung saan laganap ang karahasan at pang-uusig ng militar at pulis sa kapwa Pilipino.
Ayon sa tala ng Human Rights Victims’ Claims Board nasa 11-libong Pilipino ang biktima ng human rights violations noong martial law sa pagitan ng 1972 hanggang 1986.
Panawagan ni Bishop Pabillo sa mamamayan na ingatan ang kalayaang tinamasa lalo’t marami ang nagbuwis ng buhay upang makamtan ang kapayapaan para sa susunod na henerasyon.
“Magpasalamat tayo sa kanila lalo na sa mga nagbuhos ng buhay upang tayo ay maging malaya. Ingatan din natin ang kalayaang ito upang hindi ito mawala sa atin,” ani Bishop Pabillo.
Tema ng 124th Independence Day o Araw ng Kalayaan, ang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas (Rise Towards the Challenge of a New Beginning)” na layong bigyang diin ang pagbubuklod ng mga Pilipino para mapagtagumpayan ang bawat hamong kinakaharap sa kasalukuyan.