2,544 total views
Pinaalalahanan ni CBCP Office on Stewardship Chairperson, Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mamamayan na dapat pahalagahan ang paglalakbay sa mundo.
Ayon sa obispo hindi maihalintulad sa isang turista na namamasyal at pinagmamasdan ang kagandahan ng lugar ang paglalakbay ng tao sa halip ay dapat pagsumikapang maging makabuluhan upang matamasa ang buhay na walang hanggan.
Aniya sa diwa ng Jubilee Year sa temang Pilgrims of Hope pinaalalahanan ng simbahan ang mananampalataya na bawat isa ay perigrinong naglalakbay sa mundo.
“Ang paksa ng ating Jubilee Year ay Pilgrims of Hope. Pinapaalaala sa atin na tayo ay mga pilgrims sa buhay na ito, hindi mga turista. Ang pilgrim ay naglalakbay. May patutunguhan siya at iyan ay isang banal na lugar. Hindi tayo turista sa ating paglalakbay sa mundong ito – turista na patingin-tingin lang… May purpose ang buhay natin. Papunta tayo sa Diyos,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo.
Iginiit ni Bishop Pabillo na bilang kristiyano ay nararapat manatiling buhay ang pag-asa sa paglalakbay sa mundo tulad ng ipinangakong kaligtasan ng Panginoon.
Batid ng opisyal ang maraming hadlang upang matamasa ang buhay na walang hanggan kaya’t paalala nito sa mamamayan na huwag maligaw sa tinatahak na landas tulad ng paghahabol ng kayamanan, karangyaan, karangalan at kaaliwan na magiging sanhi ng pagkawalay sa Diyos.
Muling hinikayat ni Bishop Pabillo ang mamamayan na aktibong makibahagi sa pagdiriwang ng simbahang katolika sa Jubilee Year at tamasahin ang mga biyayang ipinagkakaloob tulad ng pagkakamit ng plenary indulgence sa pamamagitan ng pagbisita sa mga jubilee churches.
Matatandaang sa paglunsad ni Pope Francis ng Jubilee Year noong December 24 nang nakalipas na taon ay nagtalaga rin ang mga diyosesis ng iba’t ibang jubilee churches na maaring bisitahin sa buong taon upang makamtan ang indulhensya alinsunod sa mga alintuntunin ng pagtanggap tulad ng pangungumpisal, pagtanggap ng banal na komunyon, panalangin sa intensyon ng santo papa, pag-usal at Ama Namin at Credo.(