486 total views
Pinanguhan ni Diocese of Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos ang pag-aalay ng panalangin sa lahat ng mga nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga dayuhang bansa.
Sa pamamagitan ng isang payak na pagdiriwang sa ika-80 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan ay inalala at binigyang pagkilala ng pamahalaan at Simbahan ang mga bayani at beterano na nagpakasakit at nagbuwis ng buhay para sa kalayaan ng Pilipinas.
Ipinagdarasal ni Bishop Santos ang patuloy na patnubay ng Panginoon sa bawat Pilipino na pahalagahan at hindi sayangin ang tinatamasang kalayaan ng bansa na bunga ng pagpapakasakit, paninindigan at pagsasakripisyo ng buhay ng maraming bayaning nasawi partikular na noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
“Salamat din sa aming mga bayani at beterano na nagpakasakit, nagtanggol at sa huli ay nagbuwis ng buhay para sa aming kalayaan, para sa aming karapatan, at para sa aming kapayapaan tanggapin mo po sila sa iyong kaharian at pagkalooban ng buhay na walang hanggan. Sa iyong patnubay at kagandahang loob o makapangyarihang Diyos nawa ay hindi namin sayangin, hindi namin aksayahin, hindi namin balewalain ang lahat ng kanilang pinaghirapan, ang lahat ng kanilang ipinaglaban at lahat ng kanilang itinaya sa kanilang sariling buhay,” panalangin ni Bishop Santos sa paggunita ng ika-80 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.
Bahagi rin ng panalangin ni Bishop Santos na higit pang mapagyaman at maisabuhay ng bawat isa ang kalayaang tinatamasa ng bansa sa kasalukuyan sa pamamagitan ng patuloy na paninindigan at pagsusulong ng karapatan at karangalan ng kapwa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paniniwala at pananampalataya.
“Sa amin ngayong tinatamasang panibagong buhay ay aming iingatan at hindi pababayaan, aalagaan at hindi paglalaruan, pagyayamanin at hindi sisirain, sa amin ngayong nakamit na kalayaan ay aming higit na igagalang, higit na isusulong at higit na isasabuhay sa aming pagkilala at pagtanggap ng karapatan at karangalan ng aming kapwa,” dagdag pa ni Bishop Santos.
Isinagawa ang payak na pagdiriwang sa paggunita sa ika-80 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Mt. Samat National Shrine, Pilar, Bataan na pinangunahan ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra.
Nauna rito, hinamon ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang mga Pilipino na maging magiting para sa bansa.
Read: https://www.veritasph.net/maging-magiting-para-sa-pilipinas-hamon-ng-slp-sa-mga-filipino/