590 total views
Mga Kapanalig, ngayon ay World Press Freedom Day.
Ang tema ng pagdiriwang ng araw na ito ngayong taon ay “Journalism under digital siege”. Binibigyang-diin nito ang mga paraan kung saan nanganganib ang press freedom o malayang pamamahayag katulad ng pag-atake sa mga mamamahayag, gayundin ang kahihinatnan nito sa tiwala ng publiko sa digital communications.
Dito sa Pilipinas, layon ng pagdiriwang ng World Press Freedom Day na ipaalala sa pamahalaang tuparin ang pangako nitong itaguyod ang kalayaan sa pamamahayag. Pagkakataon din ito upang suriin ang lagay ng press freedom sa ating bansa, ipagtanggol ang media mula sa mga pag-atake sa kalayaang maghayag ng katotohananan, at bigyang-pugay ang mga mamamahayag na namatay habang ginaganap nila ang kanilang tungkulin.
Itinuturing ngang bakuna ang malayang pamamahayag sa lumalaganap ngayong disinformation o ang sadya at sistematikong pagpapakalat ng maling impormasyon. Ngunit ayon sa 2021 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders (o RSF), ganap o bahagya itong sinusupil sa 73% ng 180 bansa. Sa listahan ng mga bansa ayon sa kung gaano kalaya ang press freedom sa kanila, pang-136 ang Pilipinas. Sinasabing nasa “difficult situation” ang press freedom sa ating bansa. Ilan sa mga binanggit ng RSF na dahilan ng pangungulelat ng Pilipinas sa listahan ay ang panggigipit sa Rappler at CEO nito na si Maria Ressa, pati na ang pagpapasara sa ABS-CBN na nakaapekto sa pagkakaroon ng mga Pilipino ng mahahalagang impormasyon sa gitna ng pandemya. Tinukoy din nito ang pag-atake at panggigipit ng mga troll armies sa mga mamamahayag, mga cyber-attacks o hacking, at red-tagging.
Mahalaga ang trabahong ginagawa ng mga mamamahayag sapagkat sila ang tagapaghatid ng mga balita at impormasyong kailangan natin sa ating pang-araw-araw na desisyon sa buhay. Gayunpaman, nahaharap pa rin sa matitinding hamon ang mga mamamahayag, gaya ng pananakot sa kanila ng mga rehimeng nais baliktarin, baluktutin, at itago ang katotohanan. Kamakailan lang, na-hack ang mga website na mga nagsasagawa ng fact-checking sa mga pekeng impormasyong kumakalat sa social media. Noong Disyembre ng nakaraang taon lang, isa na namang mamamahayag ang pinatay. Siya ang ika-22 journalist na pinatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ang malaláng paglaganap ng fake news, misinformation, at disinformation lalo na sa social media ay resulta ng tahasang pagsupil sa mga organisasyon at mamamahayag na ilantad ang katotohanan. Sa isang mensahe, sinabi noon ni Pope Francis na “Freedom of the press and of expression is an important indicator of the state of a country’s health… One of the first things dictatorships do is remove freedom of the press or mask it, not leaving it free.” Ibig sabihin, mahalagang elemento ng demokrasya ang malayang pag-uulat at pamamahayag.
Sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, sinasabing may karapatan ang tao na malayang siyasatin ang katotohanan, makapagsalita, at maglathala, hangga’t mabuti ang layunin nito at kapakanan ng lahat ang tuon nito. May karapatan tayong malaman ang katotohanan tungkol sa mga pampublikong kaganapan. Gaya ng nais ni Hesus sa Juan 8:32, sa pagkakataong kikilalanin at pahahalagahan natin ang katotohanan, ito ang magpapalaya sa atin. Bahagi ng ating pagkatao, dignidad, at karapatan ang malaman ang katotohanan.
Mga Kapanalig, ngayong darating na eleksyon, mas hindi matatawaran ang kahalagahan ng totoong pagbabalita at pagpapahayag dahil ito ang pinagbabasehan ng mga botante sa kanilang pipiliing karapat-dapat na pinuno ng bansa. Pahalagahan natin ang lahat ng mamamahayag na ang tanging layunin ay malayang ipabatid ang mga totoong nagaganap sa ating bansa. Sa panahong sinusupil ang karapatan at kalayaan ng mga mamamayan, at sa mailap na sistemang pangkatarungan, nalalagay sa panganib ang kanilang buhay at para na ring binubusalan ang ating karapatan at demokrasya.