1,026 total views
Ibinahagi ng Minor Basilica of the Black Nazarene na bubuksang muli sa publiko ang ‘pahalik’ sa imahe ng Poong Hesus Nazareno.
Umaapela naman si Father Douglas Badong, parochial vicar ng basilica sa mga deboto na mahigpit na sundin ang safety protocol upang makaiwas mahawa ng COVID-19.
“Muling mahahawakan ang mismong imahen ng Poong Hesus Nazareno na nasa itaas ng altar ng simbahan ng Quiapo. Unti-unti nating ibabalik ang ‘pahalik’. Ipinapakiusap sa mga deboto na pumila ng maayos at sumunod sa mga safety protocols,” pahayag ni Fr. Badong sa panayam ng Radio Veritas.
Bagamat nasa ilalim ng alert level 1 ang National Capital Region mahigpit na ipinatutupad sa loob at labas ng simbahan ang safety protocol tulad ng pagsusuot ng facemask at physical distancing ng mga deboto.
Matatandaang isinara sa publiko ang nakaugaliang pahalik sa imahe ng Poong Hesus Nazareno nang magsimula ang pandemya noong 2020 bilang hakbang na maiwasan ang transmission ng nakahahawang virus.
Sa ginanap na Traslacion 2021 at 2022 sa halip na isagawa ang tradisyunal na pahalik ay ginawa ang ‘pagtanaw’ kung saan iniluklok ang replica image ng poon sa harapan ng simbahan upang matanaw ng mga deboto.
Patuloy na pinag-iingat ng simbahan at pamahalaan ang publiko laban sa banta ng virus bagamat mahigit na sa kalahati ng 110-milyong mamamayan ng bansa ang nakatanggap ng kompletong bakuna sa COVID-19.(