587 total views
Ipinaalala ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP) sa mga kabataang mag-aaral na gamitin ang panunumbalik ng face-to-face classes upang paigtingin ang kamalayan sa mga panlipunang usapin..
Ayon kay Kej Andres – Pangulo ng SCMP, napapanahong magkaroon ng karagdagang kamalayan ang mga kabataan upang makatulong sa pagtugon sa mga kinakaharap na suliranin sa ekonomiya at kahirapan sa bansa.
“Hamon sa kabataan na iwaksi ang social isolation dulot ng lockdown, sa halip na magtunggali sa mababaw na bagay, dapat makitang magkakaugnay ang mga isyung kinakaharap ng kabataan lalo na sa usapin ng ligtas na balik-eskwela, mga polisiya sa ilalim ng lockdown, at halaga ng frontliners sa medisina at siyensiya,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Andres sa Radio Veritas.
Apela ng SCMP sa pamahalaan na tiyakin na natatamasa ng mas marami pang kabataan ang karapatan na makapag-aral at makapagkamit ng edukasyon.
Kasabay ito ng panawagan sa mga tagapamahala sa sektor ng edukasyon na tiyakin na ligtas mula sa banta ng anumang virus at sakuna ang mga mag-aaral na magbabalik sa pag-aaral.
“Panalangin natin na tuluyan nang makabalik nang ligtas ang mga estudyante sa paaralan sa pinakamadaling panahon at ilaan ang mas malaking budget ng gobyerno para rito lalo na sa mga komunidad at malalayong lugar, dagdag panalangin nating igiit sa pamahalaan ang pagpaparami ng health personnel, health facilities, kakayahan sa testing at treatment, at iba pang impraestruktura upang matugunan ang karapatan sa edukasyon,” ayon pa sa mensahe ni Andres.
Batay sa Department Order #034 Series of 2022 ng DepEd na nilagdaan ni Vice-president at Education Secretary Sara Duterte, magsisimula ang limited face-to-face classes sa August 20 at sa November 02, 2022 naman iiral ang 100% face to face ng mga mag-aaral sa lahat ng paaralan.