246 total views
Mayroon tayong magagawa upang paglabanan ang kawalang katiyakan at depresyon na dulot ng pandemya.
Ito ang naging mensahe ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga taong nakararanas ng depresyon kasabay ng nararanasang krisis pangkalusugan.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Healthcare Vice-Chairman at Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, na ito ang pagkakataon upang lalo pa tayong magkaroon ng kamalayan sa kalusugang mental at mabigyang-pansin ang mga taong nakararanas ng problema sa buhay na dulot ng pandemya.
“This will increase the awareness, mental awareness natin na mayroon tayong magagawa. Because the pandemic na ito, coronavirus na ito, nagdulot po ng maraming challenges sa buhay natin. On the part of the family, on the part of workers, on the part of students, on the part of yung simpleng pamumuhay natin. Hindi lang po ito on the level of the persons but on the level also of communal and even international levels,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radyo Veritas.
Paliwanag pa ng Obispo na ito ay magbibigay ng panibagong kamalayan na hindi dahilan ang pandemya upang iwasan ang problema at tapusin na lamang ang sariling buhay.
Sa halip, payo nito na mas magandang tignan ng bawat isa, lalo na ang mga nakakaranas ng depresyon na manatili at mas patatagin pa ang pananampalataya sa Panginoon na ating tagapagligtas.
“I think there is a better perspective here to cling on the faith that we have,” dagdag ng Obispo.
Ngayong ika-10 ng Oktubre ay gugunitain ang World Mental Health Day upang mabigyang-pansin at magkaroon ng kamalayan ang bawat isa sa lumalalang bilang ng mga taong nakararanas ng depresyon na humahantong sa pagpapatiwakal.
Batay sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), umabot sa 953 ang mga tawag na kanilang natanggap noong Marso hanggang Mayo, 2020; na ang monthly average calls na may kaugnayan sa suicide ay tumaas ng 45-tawag kada buwan sa huling tala noong ika-31 ng Mayo.
Ipinakita naman sa Social Weather Station survey noong Hulyo na 84 porsyento ng mga Filipino ay nakararanas ng depression dahil sa epekto ng pandemya.