376 total views
Ito ang panawagan ng Save Sierra Madre Network Alliance kasabay ng paggunita ngayong araw ng Save Sierra Madre Day.
Sa liham ng grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte, nanawagan itong higpitan ang pagbabantay sa kabundukan laban sa mga banta ng illegal logging, mining, pagtatayo ng mga Coal Power Plants at Mega Dam na pumapatay sa mga punong kahoy.
Sinabi pa ng grupo na nagiging dahilan ang mga naturang aktibidad kaya nawawalan ng tahanan at napipilitang lumikas ang mga katutubong naninirahan sa kabundukan.
Bukod dito, dahil din sa pagkakalbo ng Sierra Madre kaya tumitindi ang mga bahang nararanasan sa Metro Manila, tulad na lamang ng bagyong Ondoy noong September 26, 2009.
Samantala bukod sa kahilingan ng grupo sa pamahalaan ay nanawagan din sa taumbayan si Fr. Pete Montallana, Chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance upang makiisa sa pag-aalaga sa kabundukan.
Ayon sa Pari, mahalagang mayroong pagtugon ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang lugar at pagiging responsable sa mga gamit na binibili.
“Nananawagan kami ulit sa lahat ng ating mga kababayan sa buong Pilipinas na tingnan ang kahalagahan ng Sierra Madre at ang lahat ng ating bundok. Panawagan pa po namin, act locally, alagaan ang Sierra Madre, alagaan ang ayos ng ating basura, alagaan ang ating mga binibiling gadgets, sabi ni Pope Francis huwag tayong maging biktima ng consumerism, bili dito, bili doon tapos itatapon, so holistic po yun yung ating pananaw, kapatid ko ang kalikasan, igagalang ko ang kalikasan, lahat ng gamit dito sa mundo titingnan ko sa mata ng may pagmamahal sa kalikasan, mahal natin ang Diyos, kinakailangan na alagaan natin ang kanyang mga ginawa.” Pahayag ni Fr. Montallana sa Radyo Veritas.
Taong 2012 sa ilalim ng Presidential Proclamation No. 413, idineklara ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang Save Sierra Madre Day biglang pagpapaigting ng pangangalaga sa kabundukan at pag-alala sa mga naging biktima ng matinding pagbaha na dulot ng bagyong Ondoy.
Kaugnay dito muling binigyang diin ng grupo ang pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Encyclical na Laudato Si na kinakailangang pangunahan ng bawat pamahalaan ang pangangalaga sa kalikasan at suportahan ito ng mamamayan.