17,381 total views
Nananawagan sa pamahalaan ang healthcare ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines upang higit pang paigtingin ang pagsusulong sa mga programa hinggil sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS).
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Healthcare executive secretary, Camillian Father Rodolfo Vicente Cancino, dapat na tutukan ng gobyerno partikular ng Department of Health ang mga suliraning panlipunang nakakaapekto sa kalusugan ng mga pamayanan lalo na ang mga mahihirap.
Ang panawagan ni Fr. Cancino ay kaugnay ng paggunita sa International AIDS Candlelight Memorial (IACM) upang alalahanin ang mga pumanaw dahil sa HIV/AIDS, gayundin ang pagbibigay-pugay sa mga naglaan ng buhay upang kalingain ang mga apektado ng karamdaman.
“Habang inaalala natin ang mga namatay dahil sa HIV at sa AIDS, dapat din nating ituon hindi lamang sa pag-alala pero sa pagkilala. Pagkilala sa mga komunidad na bulnerable sa HIV at mga issues na kaakibat niyan. Pagkilala sa iba’t ibang sektor ng lipunan na hindi talaga kaya ng Department of Health para pigilan ang sakit na ito,” ayon kay Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi rin ng pari ang patuloy na diskriminasyon na nagiging hadlang para sa mga may HIV/AIDS na magpatingin at malunasan ang karamdaman.
Iginiit ng pari na sa halip na pangilagan, ang mga may pinagdaraanang karamdaman ang higit na nangangailangan ng karamay at pagkalinga upang muling madama ang pag-asa at pagtanggap ng lipunan.
“It is an ongoing accompaniment. We should accompany them, leading them to the right value and valuing in life, leading them to a life of faith, and leading them also na makilala talaga kung sino ang Diyos sa ating buhay,” ayon kay Fr. Cancino.
Ipinagdiriwang ang IACM tuwing Mayo partikular na sa ikatlong Linggo ng buwan taon-taon upang alalahanin ang mga pumanaw dahil sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) sa pamamagitan ng pagtitirik ng mga kandila at pag-aalay ng panalangin.
Tema ng IACM ngayong taon ang “Together We Remember, Together We Heal, Through Love and Solidarity”.
Sa huling datos ng DOH, umabot na sa 3,410 ang naitalang kaso ng HIV/AIDS sa unang bahagi pa lamang ng 2024, kung saan 82 rito ang naiulat na nasawi.
Inaasahan naman sa 2030 ay posibleng tumaas pa sa halos 402-libo mula sa higit 215-libo ngayong taon ang bilang ng mga Pilipinong may HIV