398 total views
Ipapakita sa publiko ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang isang painting kaugnay sa unang pagbibinyag bilang kristiyanong bansa ng Pilipinas.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, vice-president ng CBCP, ito ay isang orihinal na mural o malaking painting ng binyag ni King Humabon at Reyna Juana o Reyna Humamay.
Ang larawan ay hindi sinasadyang natagpuan sa lumang tanggapan ng CBCP sa Maynila.
‘Pina-authenticate at dineclare na authentic ng anak ni Fernando Amorsolo. By the way, this coming celebration, 500 years of Christianity ia-unveil para makita ng mga tao,” ayon kay Bishop David.
Sinabi ni Bishop David na lumabas sa authentication na orihinal na likha ng national artist na si Fernando Amorsolo ang painting.
“Ang naka-paint doon is the baptism of King Humabon at Reyna Juana actually ang original name ni Juana ay Reyna Humamay,”bahagi ng kuwento ni Bishop David sa Radio Veritas
Ang binyag na ito ay may petsang April 14, 1521.
Isang imahe rin ng Santo Niño ang naging regalo ni Magellan sa mag-asawa na siyang simula ng pananampalataya kay Hesus sa pamamagitan ng imahe ng kanyang kabataan- at ang debosyon ng mga Filipino sa Niño Jesus.
Ang debosyon ng Santo Niño ay isang popular na debosyon ng mga Filipino na taunang ipinagdiriwang lalu na sa Visayas region.
Inaasahan ding magpapalimbag ang simbahan ng Pilipinas ng kasaysayan ng pananampalatayang Filipino kaugnay sa mga unang misyonero ng simbahan sa bansa.
“Balak ng CBCP through the Church Historians Association of the Philippines ay maglulunsad ng iba’t ibang lecture series at mag-iinvite ng church historians na magbigay ng lecture on very specific topics ng history of Christianity of the Philippines at iipunin ito mga lectures na ito. At eventually iipunin itong mga lectures na ito into publications. At ang first part ng publication ay about the early missions,” ayon kay Bishop David
Sa taong 2021, ipagdiriwang ng simbahang Katolika sa Pilipinas ang ika-5 sentenaryo ng pananampalataya kung saan siyam na taon ang ginawang paghahanda ng simbahan para sa malaking pagdiriwang.
Kabilang na dito ang pagdiriwang kada taon na may paksa sa iba’t-ibang sektor ng simbahan at ngayong taon ipinagdiriwang ang Year of the Youth.