246 total views
Nasa pag-iingat na ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang rare painting kay Dr. Jose Rizal mula sa obra ni Msgr. Gaspar D. Balerite, HP. SThD.
Ipinagkaloob ni Msgr. Balerite ang “rare” painting sa simpleng turnover kay NHCP chairman Dr. Rene Escalante at NHCP executive director Dr. Ludovico Badoy kasabay ng selebrasyon ng ika-156 taong kapanganakan ni Rizal.
Makikita sa painting si Rizal na nakaupo sa kanyang prison cell sa Fort Santiago,Intramuros Manila at hawak sa kanang kamay ang rosary.
Ayon kay Msgr. Balerite, ang painting ay batayan ng mga historian na sa mga huling sandali ng buhay ay hinangad ni Rizal na maligtas ang kanyang kaluluwa.
Ang artist na si Msgr. Balerite ay mula sa Diocese of Catarman at tubong Laoang, Northern Samar na nagtapos ng Magna Cum Laude at Doctorate in Biblical Theology sa Angelicum University sa Rome, Italy.
Si Msgr. Balerite ay nakapagsagawa ng painting exhibits sa University of Sto.Tomas Central Seminary at Rome noong nag-aaral pa kasama ang ilang Filipino artists.
Ilan sa mga obra ni Msgr. Balerite ay makikita rin sa Knights of Columbus sa Intramuros, Malta, U-S-T at ilang pribadong bahay.
Si Msgr. Balerite rin ang nasa likod ng translation ng Bibliya mula sa Greek at Hebrew patungo sa lengguwaheng Binisaya, Samar-Leyte, iba pang catechism books at mga artikulo ukol sa kasaysayan.
Sinasabi ng mga historian na noong ibalik sa Pilipinas si Rizal noong October 6, 1896 mula sa Barcelona, Spain sakay ng barkong SS Colon ay kapiling nito sa loob cabin at sa kanyang kulungan ang tatlong bagay na palatandaan ng kanyang pananampalataya.
Ito ay ang Bibliya, meditation book na “Imitation of Christ” na sinulat ng German priest na si Thomas Kempis at ang black rosary na ibinigay naman sa kanya ng kanyang ama na si Francisco.
Lumalabas din na ang bahagi ng kulungan ni Rizal sa Fort Santiago ay ginawa niyang kapilya kung saan ginagawa ang selebrasyon ng banal na misa at pangungumpisal sa isang Jesuit priest.
Dito rin sa chapel na ito nagsasagawa nang pagninilay si Rizal at nagdarasal ng santo rosaryo.
Kapansin-pansin na kabilang sa mga memorabilia ni Rizal na naka-display sa Fort Santiago ay ang kopya ng libro na “Imitation of Christ” na ipinamana niya sa kanyang asawa na si Josephine Bracken matapos ang kanilang kasal noong December 30, 1896 dakong alas-5:00 ng madaling araw.