357 total views
Naniniwala ang grupo ng mga eksperto na hindi hadlang ang pagsusuot ng facemask bilang proteksyon laban sa COVID-19 sa mobility ng mga tao.
Ayon kay Dr. Butch Ong-tagapagsalita ng OCTA Research group, mas mahalagang pangunahing bigyan tuon ay ang pag-iingat na makaiwas mula sa nakakahawang sakit.
“I think it would be really best to just keep the mindset or the mindset of prevention and the mindset of safety,” ayon kay Ong sa panayam ng Radio Veritas.
Sa kabila nito, nilagdaan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang boluntaryong pagsusuot ng facemask sa mga open area at mga lugar na may sapat na bentilasyon.
Mananatili namang ipatutupad ang pagsusuot ng facemask sa health facilities, at mga pagamutan.
Hinihikayat din ang pagsusuot ng facemask sa mga may karamdaman at matatanda na madaling mahawaan ng iba’t ibang uri ng karamdaman.
Naniniwala si Ong na mas dapat munang magsuot ng facemask ang mamamayan upang manatiling ligtas mula sa virus at hangga’t hindi pa tuluyang mababa ang bilang ng mga nahahawaan.
Sa pinahuling ulat ng Department of Health, umabot sa 2,038 ang naitalang panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan may 25,262 ang kasalukuyang aktibong kaso.
“Pero syempre ayaw natin ma-overwhelm ang ating mga ospital at ating mga klinika. And to prevent it, magbayanihan muna tayo at kapag mababa na ang mga numero, let’s just say mababa na siya for a few period of time let’s say several weeks or maybe even a couple of months ay maaari natin siguro ma-consider na luwagan ang ating mask mandate,” ayon kay Ong.
Muli namang hinikayat ni Ong ang mamamayan na magpabakuna ng booster shot lalo na ngayong ‘Ber Months’ dahil sa pagdiriwang ng Pasko, Bagong taon, Family reunions at pagbabakasyon ng mga Overseas Filipino Worker.
“Kung hindi pa kayo nabo-boost so please consider naman na magpa-boost kayo kapag nandiyan na ‘yung availability ng booster shot, it will give you an additional layer of protection ‘no against hospitalization and severe Covid,” dagdag pa ni Ong.