281 total views
April 2, 2020-4:34pm
Inihayag ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines–National Secretariat for Social Action Justice and Peace (CBCP-NASSA) Caritas Philippines sa mananampalataya na isapuso at isaisip ang Panginoon sa gitna ng mga hamong kinakaharap.
Ayon sa obispo ito ang pinakamabisang gawin upang malampasan ng tao ang bawat pagsubok sa tulong ng Diyos at sa kabutihan ng kapwa na ibinabahagi ng iba.
“Think God, goodness and kindness will flow,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Nanawagan din ang obispo sa mamamayan na igalang ang bawat batas na umiiral sa lipunan para sa kaayusan at kabutihang panlahat.
Paalala pa ni Bishop Bagaforo na iwasan ang paggawa ng masama na nakalalabag sa batas ng Diyos at sa bansa sa halip pairalin ang pakikipagkapwa tao at pagtutulungan sa pamayanan.
“Kasalanan ang magnakaw; Alay Kapwa ang maghari sa lahat,” saad pa ng obispo.
Binigyang pansin din ni Bishop Bagaforo na iwasan ang karahasan sapagkat wala itong magandang maidudulot sa lipunan kundi pagkakawatak-watak at pagkasira ng ugnayan ng bawat tao.
Aniya, ang pag-utos na manakit ng kapwa ay hindi makatarungan at mag uugat lamang ito ng karahasan.
“Kasalanan ang pumatay! An order to harm or kill the people is an illegal and immoral order. It cannot be obeyed,” giit ni Bishop Bagaforo.
Sa isang talumpati ng Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nitong ipababaril sa pulis at military ang sinumang lalabag sa batas lalu na sa mga hindi sumusunod sa panuntunan sa pag – iral ng enhanced community quarantine.
Ang babala ng punong ehekutibo ay kasunod ng pag-aaklas ng ilang residente ng Quezon City dahil sa walang natatanggap na relief goods mula nang magpatupad ng quarantine sa Luzon.