229 total views
Isang katatawanan na hindi malilimutan sa taong 2021 nang pagdiskitahan ng ilan pagkain ng bayan patunay na marami sa pamunuan hindi ramdam pintig ng mamayan lalo na ang kalam ng tiyan.
Unang katatawanan bunsod ng kayabangan nang paratangan na ang lugaw ay non-essential pagkaing hindi mahalaga kaya buong bayan nag-alma.
Heto na naman mga henyo sa kalakalan ibig nama'y magtakda ng batayan sa pagluluto ng mga paboritong ulam ng bayan; ngunit anumang paliwanag kanilang sabihin walang kabuluhang pakinggan mga pinag-iisip nila'y walang katuturan patunay lamang na manhid at mga payaso mga tao ngayon sa gobyernong ito.
Maari bang itakda ninuman mga sangkap na ibig malasap, sarap at linamnam na ibig namnamin ng bawat kumakain? Alalahaning hindi lamang laman ng tiyan ang pagkain kung ating susuriin inihahain pa nga lang, lasap na natin diwa at katauhan nagigising ng maraming alaala at kuwento ng pagkaing bumusog sa atin.
Suriin bawat kalinangan nasasalamin sa lutuin at pagkain dahil doon sa mesa nagsisimula lahat ng ating kapatiran at kaisahan: walang kumakain kasama ang kaaway, ano mang kasunduan ay may handaang kasabay, higit sa lahat, sa pagdulog sa hapag doon nagaganap tunay na pagdadaop-palad dahil sa tuwing tayo ay mayroong piging, sarili ang ibinabahagi natin sa anyo ng pagkain at inumin.
Maging ang Panginoong Hesus natin pinili ay pagkain at piging upang gamitin tanda ng kapanatilihan niya sa atin: kanyang itinatag hapag ng Eukaristiya doon sa mesa ng Banal na Misa.
Tangi niyang tagubilin tinapay na walang lebadura gagamitin sa bawat pagdiriwang ng piging kung saan pinapaging-ganap natin pagmamahal niya sa atin nang ihandog sarili bilang ating pagkain.
Kaya, huwag nang pag-isipan ng mga nagmamagaling paano lutuin mga paboritong pagkain bagkus kanilang isipin paano mapapakain mga nagugutom na kapatid natin.