390 total views
Homiliya para sa Miyerkules ng Abo, 02 Marso 2022, Mateo 6:1-6, 16-18
Pananalangin, Pag-aayuno, at pagkakawanggawa. Itong tatlong ito ay mga DISIPLINA, mga pagsasanay na espiritwal na ginagawa rin ng mga Hudyo at Muslim, bukod sa ating mga Kristiyano. Itong tatlong ito ang madalas kong tawaging mga paraan ng “spiritual workout”. Kumbaga sa katawan ng tao, ang kaluluwa natin kailangan din ng workout, kung ayaw nating tumamlay, humina at maging sakitin. Mga disiplina ito na napaka-importante para manatiling malakas ang ating buhay espiritwal, malusog at may resistensya sa paglusob o pag-atake ng dimonyo.
Pero sa araw na ito ng simula ng Panahon ng Kuwaresma, ang importanteng pagnilayan natin ay ang kaugnayan ng tatlong ito sa isa’t isa. Kapag nawalan ng kaugnayan ang pananalangin natin, pag-aayuno at pagkakawanggawa sa isa’t isa, nawawalan ng kahulugan ang mga ito. Ito ang pinaka-punto ng mga pagbasa natin ngayon. Kumbaga sa buhay ng isang punongkahoy, may kaugnayan sa isa’t isa ang pag-usbong, pamumulaklak at pagbubunga ng ating pagkatao, tungo sa ating tunay na pakikihawig sa Diyos.
Ang paglapit natin sa Diyos ay nagpapabago sa ating pagkatao. Katulad ng pagbabagong nangyari kay Moises ayon sa Bibliya. Kapag umaakyat daw si Moises sa bundok para manalangin, sa pagbaba niya, napapansin daw ng mga Israelita na parang kumikinang ang mukha niya. Naaaninag nila ang ninging ng pagka-Diyos sa pagkatao niya. Naaaninag sa kanya ang hugis at wangis ng Diyos. Sa madaling salita, nakakahawig ang Diyos.
Ipapaliwanag ko pa nang kaunti, baka kasi magkamali kayo ng intindi. Madalas kasing sakyan ni Satanas ang prosesong ito ng pakikihawig sa Diyos. Minsan, maayos sa simula, pero sa katagalan, naililihis niya. Naililigaw niya tayo tungo sa maling pakikihawig o pakikitulad sa Diyos, katulad ng panunuksong ginawa niya kina Adan at Eba. Inudyok silang sumuway. “Hindi naman totoong mamamatay kayo pag kumain kayo ng bungang iyan,” wika niya. “Magiging katulad kayo ng Diyos!”
Hindi pakikihawig sa Diyos ang itinuturo sa atin ni Satanas kanila kundi pagbabalatkayo at pagdi-diyosdiyosan. Imbes na mapaganda ang ating pagkatao, pinapapangit niya. Lalo tayong inilalayo sa itsura ng Diyos at inilalapit sa itsura ng dimonyo. Ano ang panlaban dito?
Pananalangin na may pag-aayuno, pag-aayuno na nagkakawanggawa, at pagkakawanggawa na bumabalik din sa pananalangin. Hindi hiwalay ang tatlo. Nagdudulot lamang ng lakas at sigla sa atin kapag magkakaugnay ang tatlo. Pagnilayan pa natin nang kaunti.
PANANALANGIN. Ito ay pakikinig sa Diyos. Alam mong naririnig mo ang Diyos kapag naririnig mo na rin ang mga tinig at hinaing ng maraming tumatawag sa sa Diyos. Merong ganyang eksena sa pelikulang TANGING YAMAN. Nasa loob ng simbahan ang lola, kasama ang kanyang apo. Maraming mga tao sa loob ng simbahan, bawat isa may idinarasal din at parang naririnig ng apo. Kaya itatanong niya sa lola, “Lola, hindi ba nalilito ang Diyos sa atin? Sabay-sabay kasi tayong nagdarasal at iba iba ang hinihingi natin. Naririnig po ba niya tayong lahat?”
Sagot ng lola, “Oo, pati yung hindi natin sinasabi na nasa loob natin naririnig din niya. Parang ikaw, alam kong paglabas natin dito sa simbahan gusto mo ibili kita ng lobo.” Sabi ng apo, “Po? pano nyo nalaman?” Sabi ni lola, “Kasi lab kita. Kahit di mo sabihin alam ko ang nagpapasaya sa iyo. Ganyan din si God. Alam nya. Kasi mahal niya tayo.”
Ang panalangin ang nagbubukas sa ating kalooban para marinig din natin ang mga hiling ng ating kapwa. Nagpaparamdam sa atin sa nararamdaman ng Diyos. Dito pumapasok ang kaugnayan ng prayer at fasting. Ang pag-aayuno ay kusang-loob na pagsupil sa ating mga hilig at pagnanasa. Ang pinakamabilis kasi nating maramdaman ay ang mga bagay na may kinalaman sa ating sarili, sariling pagkagutom, sariling pagkauhaw, sariling mga hilig. Kung minsan, kailangan nating matutunang supilin ang mga ito para maramdaman din natin ang pagkagutom ng iba, ang mga pagdurusa at hirap na pinagdaraanan ng kapwa.
Di ba, kahit gaano ka kagutom, kahit anong sarap ng pagkain sa harapan mo, parang hindi mo ito makain at malasap kapag naiiisip mo ang mga walang makain o namamatay ng gutom. Kahit ipikit mo ang mga mata mo, nakikita mo sila. Sa pag-aayuno, imbes na iwasan sila, kailangang harapin sila. Sinusupil muna natin ang ating mga hilig, para maramdaman natin at maranasan ang nararanasan nila. Ito ang bumago kay Moises nang makita niya ang pagdurusa ng mga aliping Hebreo. Bumabalik balik sa kanyang alaala.
Sa ating first reading, ang sinabi ng propetang Joel ay parang akmang akma sa pinagdaraanan ngayon ng mga Ukrainians. “Mahabag ka Panginoon sa iyong bayan. Huwag mong kaming hayaang malupig at muling pagharian ng mga dayuhan.” Isipin natin na ang nangyayari sa kanila ay pwede ring mangyari sa atin. Di nga ba’t nagsimula na tayong sakupin ng China noon pa? Ano ang makapipigil sa kanila ngayon na gawin sa atin ang ginawa ng Russia sa Ukraine? Sa pananalangin, pag-aayuno ay mararamdaman din natin ang nararamdaman nila gaano man sila kalayo sa atin.
Ang pagkagutom at pagkauhaw sa pag-aayuno ang magpapalaya sa atin sa pagkaalipin sa ating mga materyal na kayamanan. Ang pera daw ay ginagamit, ang tao ay minamahal. Alam nating nalilihis na ang pagkatao natin kapag bumaligtad. Kapag ang tao ang ginagamit natin at pera na ang minamahal natin.
Kaya ang bunga ng tamang pag-aayuno ay malasakit at pagkakawanggawa. Pinalalaya tayo sa mga hilig natin. Nakapagtataka, di ba? Sa pagkakawanggawa, akala natin tayo ang tumutulong, pero ang totoo, tayo ang natutulungan. Sa pagtugon natin sa sa mga hinaing ng kapwa, gumaganda ang ating pagkatao, nararamdaman natin sa loob natin ang pintig ng puso ng Diyos. Sinasagot pala niya ang mga panalangin ng kapwa sa pamamagitan din ng bawat isa sa atin, sa mga gawaing may malasakit na walang hinihintay na kapalit. Nakakahawig natin siya.
Hindi ginagawa para sumikat, o tumawag pansin sa sarili, o makilala. Ginagawa mo dahil ramdam mong pinagagawa ng Diyos sa iyo, dahil ang pagsunod sa kalooban niya ang nagbibigay ng tunay na kaligayahan sa kalooban mo.
Bilang pangwakas, may suggestion ho ako. Ang ibunga ng pananalangin at pag-aayunong gagawin ninyo para sa buong panahon ng Kuwaresma ay ipunin ninyo sa isang alkansa para sa kawanggawa. Tawaging ALKANSYA SA KUWARESMA. Para saan? Alam ko nakatulong na ang marami sa inyo sa relief work sa mga nasalanta ng Bagyong Odette. Pero karamihan sa kanila ay homeless at jobless pa rin. From relief, ngayon ang mas malaking challenge ay rehabilitation work. Kaya minabuti ng Caritas Philippines na sa taong ito, tututukan ng ALAY KAPWA Program ang isang proyektong tinawag na “400 Million Pesos Early Recovery Project” para sa 10,000 families sa labing-isa sa mga pinaka-apektadong mga probinsiya.
Hulug-hulugan ang alkansya bawat araw na may maitabi kayong bunga ng pananalangin at pag-aayuno para sa kongkretong pagtulong sa kapwa. Ipadala lang po sa Caritas Philippines bago matapos ang Kuwaresma sa Linggo ng Palaspas sa pamamagitan ng inyong parokya. Isulat lang: para sa ALAY KAPWA PROGRAM 2022 ng Caritas Philippines. Tinitiyak ko, aagos ang pagpapalang ipagkakaloob ng Diyos sa inyong pamilya at sa ating bansa.