297 total views
Hinangaan ng kinatawan ng Vatican sa Pilipinas ang pagtutulungan ng Simbahan at lokal na pamahalaan sa Bataan para sa pagdiriwang na nakatuon sa kabataan.
Ito ay kaugnay sa pagkakaisa ng dalawang institusyon sa katatapos lamang na 15th Mount Samat Pilgrimage sa Pilar Bataan at ang paglulunsad ng Year of the Youth.
Ayon sa Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabrieli Giordano Caccia, nararapat na magkaisa ang simbahan at pamahalaan sa paglilingkod sa sambayanan sapagkat kapwa layunin ng dalawang institusyon ang kabutihan ng mamamayan.
“How beautiful is when the church and the government like two hands work together with different capacity for the good of the people and the people of God,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Caccia.
Nagpasalamat ang Arsobispo kay Balanga Bishop Ruperto Santos sa imbitasyon upang maging bahagi sa ika – 15 Mount Samat Pilgrimage na dinaluhan ng higit sampung libong kabataan mula sa Gitnang Luzon na nakiisa sa isinagawang living Rosary at pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya na pinangunahan nito.
Binigyang pansin ni Archbishop Caccia ang presensiya ng mga lokal na opisyal ng Bataan sa pamumuno ni Governor Albert Garcia na nakiisa sa pagtitipon bilang tagapamuno ng lalawigan.
Sa ensiklikal ni Saint Pope John Paul II na Sollicitudo Rei Socialis binigyang diin nito na ang mga pinunong pampulitika at ang mamamayan ay may tungkuling itaguyod ang mga pangangailangan, desisyon at pagkakaisa ng pamayanan.
Bukod dito, tungkulin din ng mga namumuno sa bayan na tuunan ng pansin ang pag-unlad ng bawat nasasakupan.
Kapwa hinimok ni Archbishop Caccia ang Simbahan at pamahalaan na ipagpatuloy ang pagkakaisa sapagkat layunin ng dalawang institusyon ang kabutihan ng nasasakupang mamamayan.
“So please continue to work for the common good and continue this collaboration,” ayon kay Archbishop Caccia.
Batay sa tala ng Catholic Directory mahigit sa 500, 000 ang bilang ng mga Katoliko sa Diyosesis ng Balanga o katumbas sa halos 75 porsiyento sa kabuuang populasyon ng lalawigan ng Bataan.