3,100 total views
Hiniling ng pamunuan ng Banal na Sakramento Parish sa pamayanan ang pakikiisa sa lahat ng programa ng simbahan at maging aktibong kasapi ng pamayanan.
Ito ang mensahe ni Fr. Victor Emmanuel Clemen, kura paroko ng parokya sa pagtatalaga ng dambana ng simbahan sa Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Kristo.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ni Fr. Clemen na mahalaga ang pakikiisa ng mananampalataya sa paglago ng Simbahan lalo na ng mga parokya.
“Itong dedication ng simbahan ay mahalagang gawain sa local churches, kaya sa mga parishioners sana maging active tayo sa ating community, ipakita natin na buhay ang simbahan lalo sa mga charity at spiritual works,” pahayag ni Fr. Clemen sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari na sa mahigit apat na dekada ng parokya ay patuloy ang paglago nito bilang Kristiyanong pamayanan at tiniyak ang pagpapaigting ng mga programang makatutulong sa espiritwalidad ng nasasakupan.
“So far active ang iba’t ibang mandated religious organizations dito sa parokya as well as the BECs (Basic Ecclesial Communities), maraming tao ang nagsisimba at ipinakita ang kanilang suporta,” ani Fr. Clemen.
Pinangunahan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang pagtalaga ng simbahan kasama si Bishop Emeritus Antonio Tobias, mga bisitang pari mula sa iba’t ibang parokya ng diyosesis at pamayanan ng Barangay Talipapa sa Quezon City kung saan nasasakop ang parokya.
Nakiisa rin sa pagdiriwang ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Quezon City Mayor Joy Belmonte.