11,287 total views
Hinimok ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto ang mga Pilipino na magkaisa para sa ikakabuti ng kalagayan at kapakanan ng mga mangingisda sa Pilipinas.
Ito ang paanyaya at mensahe ng Obispo bilang paggunita ngayong November 21 ng National Fisheries Day na ipinagdiriwang sa buong mundo sa temang “Sustaining Fisheries, Sustaining Lives.”
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga mangingisda ay higit na mapapalakas ang boses ng sektor upang maipanawagan sa pamahalaan at lipunan ang ikabubuti ng fishing sector.
“Atin pong samahan ang ating mga mangingisda sa pagdiriwang ng World Fisheries Day, ipagdasal natin na ang mangingisda, lalong lalo na ang mga small-scale fisherfolks na nawa ay mapaganda o maiangat ang kanilang working conditions,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Presto sa Radio Veritas.
Menssahe ng Obispo sa pamahalaan ang pakikinig sa mga mangingisda ng Pilipinas upang mapangunahan ang pagsasaayos ng kanilang kalagayan.
Habang ipinaparating din Bishop Presto sa mga Mangingisdang Pilipino na sa kabila ng mga suliranin ay huwag mawawalan ng pagasa dahil kasama nila ang simbahan at sambayanan.
“At gayun din na sana ang mga concerned government agencies ay sama samang kumilos upang mabawasan o tuluyan nang mawakasan ang ilang illegal at unregulated fishing practices, Para sa mga kapatid nating mangingisda ay patuloy pa rin ang inyong pagbubuklod at sama-samang maiparating ang inyong mga karaingan sa ating pamahalaan lalo’t higit sa mga usaping nagiging hadlang uoang lumago ang inyong kabuhayan,” bahagi pa ng mensaheng ipinadala ni Bishop Presto sa Radio Veritas.
Ayon sa mga datos ng Philippine Statistics Authority, ang mga magsasaka at mangingisda ang isa sa mga pinakamahihirap na sektor ng manggagawa sa Pilipinas.
Kinakaharap din ng mga Mangingisdang Pilipino ang mga suliranin na katulad ng overfishing, illegal fishing at hindi maayos na mga polisiya sa pangingisda kung kaya’t naantala ang dapat sana’y maayos at malaya nilang pangingisda sa mga karagatan at iba pang anyong-tubig ng Pilipinas.