614 total views
Mga Kapanalig, noong kandidato pa lamang si Pangulong Duterte, naipahayag na niya ang kanyang pagnanais na baguhin ang uri at anyo ng ating pamahalaan tungo sa pederalismo. Sa isang pederal na sistema ng pamamahala, ang ating bansa ay mahahati sa ilang itatalagang mga estado at ang bawat isa ay gaganap ng higit na maraming mga responsibilidad at kapangyarihang sa kasalukuyang sistema ay ginagampanan ng pambansang pamahalaan. Kabilang sa mga bansang ganito ang sistema ay ang Estados Unidos, Malaysia, Germany, Australia, India, Canada, Brazil, at Mexico.
Sakaling maisakatuparan, ito ay magiging isang napakalaki at napakahalagang pagbabago sa ating sistema ng pamamahala. Asahan din ang malawakang epekto ng pederalismo sa ating ekonomiya, pulitika at pangkalahatang buhay nating mga Pilipino. Ayon sa ilang mga panukala, maari raw simpleng hatiin na lamang ang Pilipinas sa tatlong estado: Luzon, Visayas, at Mindanao. Para naman sa iba, ang Mindanao ay maari raw hatiin sa tatlong istado: kanluran at silangang Mindanao, at ikatlo ang sa Bangsamoro; ang Visayas sa dalawa; at ang Luzon sa limang istado.
Samakatuwid, may iba’t ibang paraan ng pagtatalaga ng mga estado at kung paano hahatiin ang bansa sa mga estado. Masalimuot ngunit napakahalaga ng usaping ito, at mangangailangan nga ito pagbabago ng ating Saligang Batas.
Sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas, ang anumang pagbabago sa ating Konstitusyon ay maaaring idaan sa tatlong paraan: una ay ang Constitutional Convention (o Con-Con), ang ikalawa ay ang Constitutional Assembly (o Con-Ass), at ang ikatlo ay ang tinatawag na People’s Initiative. Sa Con-Con, ang bawat isa sa 18 rehiyon sa bansa ay magtatalaga ng mga kinatawan. Sa Con-Ass naman, magsasama ang mga kasalukuyang kongresista at senador bilang iisang asembliya. Noong simula ng panunungkulan ni Presidente Duterte ay nagpahayag siya ng pagkiling sa isang Con-Con bilang paraan para baguhin ang ating Saligang Batas.
Subalit napabalita kamakailan na tila nakumbinsi si Presidente Duterte ng mga namumuno sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso na sa halip na Constitutional Convention ay Constituent Assembly na lamang ang magsagawa ng pagbabago ng Saligang Batas. Ang dahilan ay gagastos daw ang pamahalaan ng kulang-kulang 7 bilyong piso kung magpapatawag pa ng isang Constitutional Convention.
Mga Kapanalig, gaano kahalaga sa atin ang pagbabago ng ating Saligang Batas? Panghihinayangan ba natin ang halagang pitong bilyong piso para sa isang bagay na magtatakda ng magiging palakad at uri ng buhay natin, hindi lamang sa kasalukuyan kundi sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino?
Pakaisipin natin, mga Kapanalig, hindi kaya mas mabuting mga taong tunay na kumakatawan sa interes ng mga ordinaryong Pilipino ang dapat humubog ng mga pagbabago sa Saligang Batas? Hindi kaya mas mainam iyon kaysa ipagkatiwala lamang ang desisyon sa mga pulitikong ang marami ay nahalal dahil sila ay may perang panggastos sa kampanya? Maliban dito, kailangang gugulan ng maraming panahon ang pagtalakay sa pagbabago ng uri ng pamahalaan, samantalang marami ring mga batas na dapat talakayin at ipasa ang Kongreso tulad ng freedom of information, mga batas ukol sa buwis, ang budget sa susunod na taon, panibagong batas sa Bangsamoro—lahat ng mga ito ay pawang mahalaga at kailangan ding tutukan.
May pagkiling ang Santa Iglesia sa demokratikong pamamahala. Binibigyang-diin ng Catholic social teaching ang kahalagahan ng pag-alis sa anumang hadlang sa tunay na pakikilahok ng mga mamamayan sa kanilang sama-samang responsibilidad na hubugin ang kanilang lipunan. Maituturing na may balakid sa pakikilahok ng mamamayan kung ang mga kumakatawan sa kanila ay mga matataas sa lipunan at nakaririwasa sa buhay.
Samakatuwid, mga Kapanalig, sa pagpili kung Con-Con ba o Con-Ass, mabuting piliin natin kung alin ang magpapalawak ng pakikilahok ng mga mamamayan sa usapin ng pagbabago ng ating Saligang Batas.
Sumainyo ang katotohanan.