218 total views
Isa sa mga gawaing nakakaligtaan natin ngayon ay ang pakikinig. Ang dami sa atin ngayon, ni hindi na nagbigay oras para sa pananahimik. Puro kuda, pura alitan. Napaka-dalang ng ating panahon para tingnan ang sitwasyon ng kapwa, at pakinggan ang kanilang saloobin. Eto na ba ang epekto ng social media sa ating lipunan?
Ayon nga sa We are Social, aba’y nanguna na naman tayo pagdating sa oras na nakababad sa social media. Anim na taon na tayong ganito. Tinatayang apat na oras at kinse minutos tayong nakaka-tutok sa social media ayon sa datos ng We Are Social nitong 2021, mas mataas pa ng 22 minutos kumpara sa datos ng 2020.
Tayo rin ang nangunguna sa internet usage, kapanalig. Kada araw, halos labing-isang oras tayong gumagamit ng Internet, habang ang global average ay nasa anim na oras at 54 minutos lamang. Ano bang napala natin sa kabababad sa Internet at social media, kapanalig?
Sa halip na ang social media, gaya ng Facebook, ay maging instrumento natin para sa kapatiran at pagka-kaibigan, nagamit natin itong tila isang “weapon” o sandata para makasakit sa iba. Sa halip na pag-isahin tayo nito, mas lalo tayong pinagwatak watak. Nakikita natin ito lalo ngayon na papalapit na ang eleksyon. Bira ng bira ang maraming netizens at nag-aabang na magkamali ang mga di-napupusuang kandidato. One wrong move kapanalig, makikita mo agad ang sunod-sunod na panlalait sa kandidato. Minsan, kahit wala pa ngang mali, titirahin pa rin nila.
Hinay-hinay lang, kapanalig. Hindi natin kailangang gawing plataporma ng kabastusan ang social media. Hindi tayo ganyang mga Filipino. Hindi tayo pinalaki ng walang respeto, hindi lamang para sa iba, kundi para sa ating sarili. Oo, kapanalig, ang panlalait, pagmumura, at pangbabastos sa iba ay hindi lamang kawalan ng respeto sa iba. Ito ay kawalan ng respeto sa sarili.
Pagbigyan natin ang ating sarili ng magkaroon ng mas maraming oras para sa pananahimik at pakikinig. Ang panahon na ito ay oportunidad upang ating marinig ang boses ng Diyos na nagpapa-alala sa atin ng ating dignidad bilang tao, bilang mga nilalalang na kawangis niya. Hindi tayo nilikha ng Diyos na maging online trolls na maghahasik ng galit at dilim sa internet. Ayon nga sa Psalm 46:10, Be still and know that I am God. Pina-aalahanan din tayo ng Mater et Magistra na – There can be neither justice nor peace in the world, so long as men fail to realize how great is their dignity; for they have been created by God and are His children. Ang taong kinikilala ang kanyang angking dignidad ay hindi papayag na maging online troll.
Sumainyo ang Katotohanan.