509 total views
August 25, 2020-1:20pm
Mahalaga ang pagkapit sa pananampalataya upang manatili ang pag-asa sa buhay.
Ito ang binigyan diin ni Fr. Anton CT Pascual-executive secretary ng Caritas Manila at pangulo ng Radio Veritas kaugnay na rin sa patuloy na banta ng pandemya hindi lamang sa kabuhayan ng mamamayan maging sa kanilang mental at spiritual health.
“Mahalaga ang buhay-pananampalataya. Ang binigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng takot, kung hindi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at tamang pagpasya. Kaya mahalaga ang word of God, ang ating prayers,” ayon kay Fr. Pascual.
Giit pa ng pari, mahalaga na tuwina ay marinig ng mananampalataya ang Salita ng Diyos na nagsisilbing kanilang kalakasan sa kabila ng mga suliranin na dulot ng pandemya.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nasa ilalim ng iba’t ibang antas ng community quarantine ang publiko kung saan nanatiling limitado ang paglabas ng bahay. Gayundin ang pagdalo sa mga misa sa mga parokya.
Ayon pa sa pari, ito ang ginagampanan ng Radio Veritas at iba pang social media platform ng simbahan para maihatid ang ebanghelyo sa bawat tahanan.
“To give hope sa ating mga kababayan lalo na iyong mga napa-praning nga at nawawalan ng pag-asa. Dahil nga nakakulong sa bahay, hindi alam kung ano ang gagawin: Nawalan ng trabaho, nalugi sa negosyo, at namamatay ang mga kamag-anak at mga kaibigan nila. Kaya it’s really depressing. Kaya we need to hold on to our faith, sabi nga ng Simbahan, to give us hope,” dagdag pa ng pari.
Simula noong Marso, tatlong misa kada araw ang maririnig sa himpilan at facebook page ng Radio Veritas tuwing alas-6 ng gabi, alas-12 ng tanghali at alas-6 ng gabi dulot na rin ng community quarantine kung saan kabilang sa mga hindi pinahihintulutang makalagas ang mga senior citizen at kabataang wala pa sa edad na 21-taong gulang.
Una na ring nanawagan si Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na bigyan ng pagkakataon ang mas maraming bilang ng mga mananampalataya na dumalo sa misa sa kabila ng umiiral na General Community Quarantine sa Metro Manila at ilan pang lungsod na may mataas na kaso ng Covid-19.
Giit pa ng Obispo, dapat ituring ng gobyerno ang spiritual need ang publiko bilang pangunahing pangangailangan lalu’t dumarami ang bilang ng mga nagtataglay ng depresyon na nauuwi sa pagpapatiwakal.