458 total views
Tiniyak ng Archdiocese of Caceres ang pagtalima sa panawagan at tema ng Season of Creation ngayong taon na “pakikinig sa tinig ng kalikasan”.
Sa liham pastoral ni Archbishop Rolando Tria Tirona, hinihimok nito ang mga mananampalataya na muling basahin at pagnilayan ang ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco hinggil sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan, at ibahagi ang mga aral nito sa kapwa.
Nangako rin ang arsobispo na isama at pagnilayan ang tema ng panahon ng paglikha kasabay ng pagdiriwang ng Arkidiyosesis sa Peñafrancia Festival kung saan isinasagawa ang traslacion ng imahen ng El Divino Rostro at Mahal na Birhen ng Peñafrancia.
“During this Season of Creation 2022, we commit ourselves to integrate this theme into our celebrations of the festivities in honor of El Divino Rostro and Our Lady of Peñafrancia,” bahagi ng liham pastoral ni Archbishop Tirona.
Layunin din ng Arkidiyosesis na maglunsad ng mga programa sa mga parokya at pamayanan upang ipalaganap ang kamalayan hinggil sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan laban sa epekto ng climate change at unti-unting pagkasira.
Ito’y sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga puno, pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran, at ang pagpapaigting sa panawagan upang pigilan ang operasyon ng quarrying, at iba pang ilegal na gawaing pumipinsala sa mga likas na yaman lalo na sa lalawigan ng Naga.
Hinihimok din ni Archbishop Tirona ang aktibong pakikiisa ng mga kabataan upang mangalaga sa kalikasan para sa mga susunod na henerasyon.
“We commit ourselves to organize and form our youth to be friends, protectors and servants of creation,” ayon kay Archbishop Tirona.
Ang Season of Creation ay panahon kung saan nagkakaisa ang Simbahang Katolika at iba pang Kristiyanong denominasyon upang manalangin at panibaguhin ang mga tungkulin para sa pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.