253 total views
Ang Simbahan ay regular na nakikipagdayalogo sa lahat ng sektor at miyembro ng lipunan.
Ito ang ibinahagi ni Rev. Fr. Carlos Reyes – dating Executive Secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Interreligious Dialogue kaugnay sa tema ng panibagong paksa ng paghahanda para sa ika-500 taon ng Katolisismo sa Pilipinas na Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples.
Tiniyak ng Pari na ang Simbahan ay walang humpay na nakikipagdayalogo sa buong mundo hindi lamang upang maibahagi ang Mabuting Balita ng Diyos kundi upang maisulong ang pangkabuuang pagkakaisa at kapayapaan.
“Kung titingnan natin ito po ay tungkol sa dialogue, ang Simbahan ay nakikipagdayalogo sa buong mundo, nakikipagdayalogo po tayo sa mga kapwa natin Kristyano tawag natin dun ay Ecumenism nakikipagdayalogo rin tayo sa mga hindi Kristyano at sa lahat ng tao tayo ay nakikipag-dialogue dahil sa ating pananaw si Hesus ay dialogue, dialogue siya ng Diyos…” pahayag ni Father Reyes sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang inihayag ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na mahalaga ang ‘dialogue’ para sa pagsusulong ng kapayapaan at pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na nasasaad sa Article 15 ng Lumen Gentium o Dogmatic Constitution on the Church na nakapaloob sa Vatican II na ang mga Katoliko ay nakaugnay sa iba pang mga Kristyano na hindi Katoliko.
Tema ng Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples ang “Dialogue Towards Harmony” na naglalayong maisulong ng pakikipagkapatiran sa pamamagitan ng pagsusulong ng kultura ng pakikipag-ugnayan tungo sa pangkabuuang kapayapaan.