268 total views
Naniniwala si Veritas 846 Senior Political Advisor Professor Ramon Casiple – Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform na epektibo ang kasalukuyang ginagamit na paraan ng Administrasyon upang makalapit at makipagdayalogo sa China kaugnay sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ayon kay Casiple, ang paglapit ng administrasyong Duterte sa China ay hindi nangangahulugan ng pagsuko ng Pangulo sa soberenya ng bansa sa halip ay isa lamang paraan upang makalapit at direktang matalakay ang naturang usapin para maiwasan ang paggamit ng puwersa kung saan malinaw na dehado ang ating bansa.
“Hindi naman natin isusuko, i doubt kung si Presidente Duterte isusuko yun, ang sinasabi ko yung paraan paano ilaban, kasi kung military wala tayong kakayahan ang Kano siguro meron pero ayaw naman ng Kano na lumaban para sa atin, wala naman sa interes nila yun ang napatunayan in fact sa Panatag Shoal case kaya nawala yung Panatag akala ni Presidente Aquino ay makikialam ang US, eh hindi nadali tayo, yun ang reality ng sitwasyon diyan,” pahayag ni Casiple sa panayam sa Radio Veritas.
Matapos ang apat na araw na state visit ni Pangulong Duterte sa China ay nakalapit na muli ang mga Pilipinong mangingisda sa gilid ng Scarborough Shoal o Panatag Shoal upang makapangisda makalipas ang apat na taon.
Sa pinakahuling satellite image ng Asia Maritime Transparency Initiative, makikita ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino na nakaangkla sa gilid ng bahura, ngunit nananatili pa ring nakaharang ang Chinese Coast Guard sa pasukan ng Panatag Shoal kaya’t walang pa ring nakakapasok sa loob ng mismong Scarborough Shoal na siyang proteksyon sana ng mga bangka mula sa hangin at alon.
Ang pinag-aagawang teritoryo ay saklaw ng 200-nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas batay na rin sa 1982 UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na dinaraan ng tinatayang umaabot sa higit sa 5-trilyong dolyar ang halaga ng kalakal mula sa iba’t ibang bansa kada taon.
Samantala, magugunitang maging ang Kanyang Kabanalan Francisco ay binigyang diin rin sa harapan ng mahigit 150-lider sa buong mundo na kasapi ng United Nations ang pagkilala sa karapatan at pagmamay – ari ng teritoryo lalo na ng mga mahihirap na bansa.
Iginiit naman ni CBCP Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People chairman Balanga Bishop Ruperto Santos na dapat ipaglaban ng pamahalaan ang pagmamay-ari sa Panatag at Scarborough shoal na pinagtibay ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague Netherlands.
See: http://www.veritas846.ph/pagmamay-ari-sa-panatag-scarborough-shoal-ipaglaban-ng-pamahalaan/