1,825 total views
Pinaiigting ng healthcare commission ng simbahan ang pakikipagtulungan sa pamahalaan upang maipalaganap ang wastong kaalaman upang malunasan ang mga nakahahawang sakit tulad ng Tuberculosis (TB) at Human Immunodeficiency Virus (HIV).
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Heath Care executive secretary, Camillian father Dan Vicente Cancino, lubhang nakababahala ang patuloy na pagtaas ng kaso ng TB at HIV sa bansa na marahil sanhi rin ng kakulangan sa kaalaman ng publiko sa dalawang karamdaman.
“Habang ang ibang bansa ay bumababa ang mga kaso ng TB at HIV, tayo naman ay tumataas pa rin ang mga kaso. Itong dalawang sakit na ito ay hindi mo mapaghihiwalay dahil kadalasan sa mga may HIV ay may opportunistic infection na TB. May mga kaso tayo na ang kanilang presenting problem ay ang TB, ‘yun pala ay bumaba ang kanilang resistensya dahil sila ay may HIV,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ni Fr. Cancino na sinisikap ng simbahan na maabot ang mga pamayanan upang maipalaganap ang mga dapat isaalang-alang sa iba’t ibang nakahahawang sakit tulad ng TB at HIV.
Inaatasan ng CBCP-ECHC ang mga healthcare ministry ng bawat arkidiyosesis at diyosesis sa bansa na magsagawa ng proper information dissemination at capacity-building sa Basic Ecclesial Communities.
“Dahil sa proper information, ‘yung kamalayan at kaalaman, nagkakaroon ng mas malawak na pagkakaintindi ang tao kaya tuloy nagpapa-test siya, nag-a-access ng services. Napapataas natin ‘yung mga nahahanap nating mga kaso dito sa dalawang sakit na ito. Ire-refer natin sila ngayon doon sa mga TB DOTS facilities, sa ating mga treatment hubs para magpa-test at mabigyan ng gamot,” ayon sa pari.
Dagdag pa ng pari na isinusulong din ng komisyon ang ‘cough-to-cure pathway’ na layong gabayan ang mga mayroong sintomas ng TB tungo sa ganap na kagalingan.
“Ibig sabihin, step-by-step ay aalalayan natin ang ating kapwa na gumaling at habang sila ay naggagamutan, sasamahan mo pa rin. Kasi mahalagang masunod ang anim na buwang gamutan ng TB para hindi maging multi-drug resistant na maaaring humantong sa hindi tuluyang paggaling sa sakit,” dagdag ni Fr. Cancino.
Pinalalawak pa ng CBCP-ECHC ang Samahan ng Lusog-Baga na binubuo ng mga pasyenteng gumaling sa TB upang higit pang mapaigting ang kamalayan ng publiko sa nakahahawang karamdaman.