216 total views
Ibalik ang lupa sa tunay na nagmamay-ari nito.
Ito ang patuloy na panawagan ng mga magsasaka ng Barangay Sumalo, Hermosa, Bataan sa Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay sa hindi pag-usad ng kanilang kaso laban sa Riverforest Development Corporation.
Ayon sa barangay captain ng Sumalo na si Rolly Martinez, ang mabagal na pag-aksyon at pakikipagsabwatan ng DAR Bataan sa nasabing korporasyon ang dahilan kung bakit inabot ng mahigit walong taon ang pakikipaglaban ng mga magsasaka sa 213 hektaryang lupang sakahan ng kanilang mga ninuno.
“Yung DAR Bataan trumabaho siya ng maayos at wala siyang tinitingnan, ipairal niya yung batas tingnan niya yung sistema kung alin talaga at sino talaga yung dapat na mag may-ari ng lupa. Kung din naman niya kayang gawin yung kaniyang trabaho, mag resign na lang siya dahil nakakabagal lang siya at kinakain lang ng sistema yung kalagayan ng mga magsasaka,” pahayag ni Martinez.
Idinagdag pa ng kapitan na ang kawalan ng hustisya ang nagtulak sa kanila upang magsagawa ng ‘Lakbayan Para Sa Mga Magsasaka ng Barangay Sumalo’ kung saan naglakad ang mahigit 100 daang magsasaka mula Bataan hanggang Maynila upang ipakita sa pamahalaan ang kanilang suliranin.
“Mahirap yung naging karanasan namin. Unang una yung mga bata at matatanda nagko-collapse sa sobrang init. Nausunog yung balat, nagbitak bitak at nagkakapaltos ang paa ng mga tao, Gutom, uhaw, pagod. Ganon kahirap yung naranasan namin sa paglalakad,” kwento pa nito
. Nagsimula noong ika-29 ng Mayo ang paglalakad ng grupo at kasalukuyan silang nananatili sa tanggapan ng DAR habang hinihintay ang pagdating ni Agriculture Secretary Rafael Mariano upang makipagpulong dito.
Umaasa rin ang mga magsasaka na marinig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang sigaw at matugunan ito upang muling maibalik ang pinagkukunan nila ng kabuhayan.
Una nang ipinaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco sa bawat bansa na habang lumalago ang ekonomiya ay napapangalagaan din dapat ang karapatan ng maliliit na tao at indigenous groups sa kanilang lupang tinubuan.