2,999 total views
Ikinagalak ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles – Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang pagpapatibay ng Supreme Court sa nauna nang desisyon nito kaugnay sa pagpapahintulot sa kontrobersyal na “Team Patay, Team Buhay” tarpaulins ng Diocese of Bacolod noong 2013 Midterm Elections.
Giit ng Arsobispo, hindi maituturing na pakikiialam ang mga ginagawang pakikiisa ng Simbahan sa mga usaping panlipunan, sapagkat tungkulin nito na gabayan sa tamang direksyon ang bayan at protektahan ang bawat mamamayan partikular na ang mga maituturing na maliit na bahagi o sektor ng lipunan.
“We do not want na our country will be led to un-Godly policies kaya ginawa nila iyon, hindi yun pakikialam sa politika in the sense of bad policy na parang kung saan hindi na gusto lang kahit immoral. Pero it would be the Bacolod Diocese did it as a faithful citizens of this country…”pahayag ni Archbishop Arguelles sa Radio Veritas.
Sa pitong pahinang resolusyon ng Korte Suprema, binigyang diin nito na ‘unconstitutional’ ang ginawang pagpapatanggal ng Commission on Elections sa naturang tarpaulins na nakapaskil sa labas ng San Sebastian Cathedral na naglalaman ng mga pangalan ng mga kandidato sa pagka-Senador batay sa kanilang posisyon sa kontrobersyal na Reproductive Health Law na matinding kinukundina ng Simbahang Katolika.
Kabilang sa mga pangalan na nasa Team Patay ay ang mga nagpahayag ng suporta sa pagpapasa sa naturang batas habang ang mga kumontra at nanindigan naman sa kasagraduhan ng buhay ang kabilang sa Team Buhay.
Kaugnay naman nito, batay sa grupong Family Planning 2020 progress report, noon pa lamang taong 2013 umaabot na sa 209-na-libo ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng contraceptives na isa sa isinusulong ng naturang batas na RH Law.