364 total views
Mga Kapanalig, para sa mga residente ng Aparri, Cagayan, mahalaga ang panahon ng pangingisda sa buwan ng Nobyembre para sa tinatawag nilang “aramang”, isang maliit na uri ng hipon at kilala rin bilang spider shrimp. Ito ang pangunahing hanapbuhay ng libu-libong residente doon. Ayon sa mga mangingisda, marami silang huli ng aramang at isda noong wala pa ang dredging project na naghuhukay ng buhangin at burak sa bukana ng Cagayan River. Ngunit nagsimulang naging mailap ang kanilang huli nang pumasok ang malalaking barko para sa dredging na bahagi raw ng flood mitigation project ng gobyerno.
Sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (o PCIJ), nakahuhuli dati ang isang mangingisda ng mahigit 200 containers ng aramang sa loob ng limang araw. Kumikita sila ng mula 300 hanggang 800 piso bawat container. Ngunit nang simulan ang dredging, marami na ang limang containers ng aramang. Madalas na ring halos wala silang huli.
Naniniwala ang ilang mangingisda na panakip lang ang malawakang dredging project para sa pagmimina ng black sand. Nakipag-ugnayan noon ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa mga pribadong kompanya para sa proyekto dahil kulang ang pondo ng lalawigan. Sa pinirmahang memorandum of agreement, sasagutin ng dredging companies ang buong gastos ng proyekto kabilang ang pagtatapon ng mga nahukay na lupa at wala silang anumang pondong makukuha mula sa gobyerno. Ayon sa gobernador ng Cagayan, bahala na ang mga dredging companies kung saan at paano nila gagamitin ang mga nahukay nila.
Mariing itinanggi ng gobernador ng Cagayan na may black sand mining sa Cagayan River, ngunit hindi kumbinsido ang mga residente at lokal na Simbahan dahil nakikita nila ang malalaking barkong nasa labas ng itinakdang lugar ng operasyon ng mga ito. Wala rin daw maayos na diyalogo o pormal na konsultasyon sa mga mangingisda na bahagi dapat ng tinatawag na Environmental Impact Assessment (o EIA), isang prosesong aalam at susuri sa mga posibleng epekto ng proyekto nang makapagtakda ng mga hakbang na poprotekta sa kapakanan ng komunidad at kapaligiran.
Ayon sa mga ekspertong nakausap ng PCIJ, may banta sa marine biodiversity ang mga extraction activities sa Cagayan River at Babuyan Channel. Ang paglabo ng tubig dahil sa paghuhukay ng buhangin o lupa sa ilalim ng ilog ng Cagayan ay nakagagambala sa food chain. Binabago rin nito ang pinagmumulan ng pagkain at enerhiya para sa paglaki at pagpaparami ng aramang at iba pang uri ng isda.
Mahalaga ang pagkakaroon natin ng malusog na karagatan dahil marami ang umaasa sa karagatan para sa kabuhayan. Gaya ng mensahe ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, marami, lalo na ang mahihirap, ang nakasalalay ang kabuhayan sa mga likas na yaman sa mga kabundukan at karagatan. Wala silang ibang mapagkakakitaang tutulong sa kanilang makaraos at bumangon sa mga pagkakataong nagagambala at nasisira ang kanilang kapaligiran.
Mga Kapanalig, sa pagdiriwang ng Season of Creation ngayong buwan ng Setyembre hanggang Oktubre, mahalagang isabuhay ang tema nito–ang pakinggan ang tinig ng kalikasan. Sa pakikinig sa boses ng kalikasan, maririnig din ang daing ng mga kababayan nating apektado ng mga mapaminsalang gawain at proyekto. Mahalagang may kamalayan ang bawat isa sa atin sa pangangalaga ng ating nag-iisang tahanan na tanging pinanggagalingan ng ating pangangailangan sa araw-araw. Gaya nga ng sabi sa Genesis 2:15, [inilagay ng Panginoong Diyos ang tao sa mundo] upang ito’y pagyamanin at alagaan. Patuloy tayong magtulungang protektahan at alagaan ating mga karagatan, hindi lang dahil sa halaga nito sa ekonomiya at kontribusyon sa kasiguraduhan sa pagkain, ngunit dito nakarugtong ang pagkakakilanlan at kultura ng maraming tao.