25,195 total views
Pakinggan ang hinaing ng sektor ng mga jeepney driver na naghahanap buhay upang may maipang-tustos sa pangangailangan pamilya.
Ito ang mensahe at pakikiisa ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa transport strike ng jeepney group ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).
Ayon sa Obispo, hindi maliit na suliranin ang kinakaharap ng mga jeepney drivers dahil sa banta ng total traditional jeepney phase out.
Mahalaga din na maayos na maiparating sa panig ng mga jeepney drivers, operators at pamahalaan ang kahinahunan at maayos na pagpaplano upang matugunan ang mga suliranin.
“Kaya humingi tayo ng panalangin sa Panginoon: O Diyos gabayan niyo po ang aming pamahalaan, ang mga namumuno sa amin na makinig sa mga daing ng mga tao at ngayon po ang dumadaing ay ang ating mga drivers, pakinggan po natin ang kanilang kalagayan at sana makahanap ng solusyon na mas matulungan sila na hindi naman sila mapupunta sa disadvantaged sa mga patakaran na ginagawa ng pamahalaan,” ayon sa panalangin ni Bishop Pabillo para sa ikabubuti ng kapakanan ng mga jeepney drivers.
Magugunitang sinimulan ng PISTON ang transport strike noong Lunes November 20 na magtatagal hanggang November 23 kung saan pangunahing naapektuhan ang mga ruta sa Quezon City, Novaliches at kalakhang Maynila.
Ipinapanawagan ng PISTON ang pagpapatigil ng pamahalaan sa deadline ng consolidation ng mga jeepney drivers at operators na unang itinakda sa December 31, 2023 kung saan dapat ay maging bahagi sila ng mga kooperatiba at franchises upang makasabay sa pagpapatuloy ng jeepney modernization program ng pamahalaan.
Upang maibsan ang pasakit na dulot sa mga commuters, unang nagpatupad ng mga libreng-sakay scheme ang Office of the Vice-president, Metro Manila Development Authority, Philippine National Police at iba pang Local Government Units na apektado ng transport strike.