181 total views
Mga Kapanalig, ngayong patuloy ang COVID-19 pandemic at punô na naman ang mga ospital, mas dapat nating pahalagahan ang ating mga frontliners—mga doktor, nars, at iba pang hospital staff. Ngunit dahil sa takot na madapuan ng nakakahawa’t nakamamatay na virus, sa kapaguran sa magdadalawang taon nang pandemya, at sa kakarampot na sahod at mga benepisyo, maraming nars ang tuluyan nang nagbitiw sa kanilang trabaho. Marami pang nagbabalak na magbitiw na.
Base sa datos ng Private Hospitals Association Philippines, nasa 40% na ng mga nars sa buong bansa—karamihan ay mula sa mga pribadong ospital—ang nagbitiw sa trabaho nitong nakalipas na dalawang linggo lamang. Hindi kasi tulad ng mga nars sa mga pampublikong ospital na nakikinabang sa Salary Standardization Law, karamihan ng mga nars sa mga pribadong ospital ay mga minimum wage earners at nakatatanggap lamang ng 537 piso sa isang araw. Bagamat hinihikayat ng Philippine Nurses Association na manatili sa trabaho ang mga nars, hindi raw nila masisi ang mga nars kung pipiliin nilang mag-resign. Marami kasi sa kanila ay hindi pa nakatatanggap ng isang-buwang halaga ng special risk allowance at iba pang COVID-related incentives.
Kaya naman maituturing na sampal sa ating mga healthcare workers ang kontrobersyang bumabalot ngayon sa Department of Health (o DOH) matapos matuklasan ng Commission on Audit (o COA) ang deficiencies o hindi maayos na paggamit ng mahigit 67 bilyong pisong budget ng kagawaran na dapat gamitin sa pagtugon sa pandemya. Base rin sa COA report, hindi nailaan ng DOH sa mga benepisyaryo ang financial assistance fund na nagkakahalaga ng halos limang bilyong piso para sa ating mga health workers. Paliwanag ng DOH, malaking porsyento ng unutilized balance ay mula sa Bayanihan 2, kung saan kasama ang alokasyon para sa special risk allowance at hazard pay ng mga health workers. Natanggap lamang daw nila ang pondo noong Oktubre.
Gayunpaman, malinaw ang hinaing ng ating mga health workers: bigo ang administrasyong Duterte na ibigay ang mga benepisyong nararapat para sa kanila. Hindi raw nila maramdaman ang pagpapahalaga ng ating gobyerno.
Hindi na sana maulit pa ang kaso noong Agosto ng nakaraang taon nang may nars sa Cainta na namatay dahil sa COVID-19 bago pa niya matanggap ang kakarampot na animnapung pisong hazard pay kada araw. Ang inaakalang limandaang piso kada araw o kabuuang 30,000 piso para sa isang buwang trabaho ay umabot lang pala ng pitong libong piso. Ang nakalulungkot, posibleng marami pang kasong katulad nito ang hindi lang naibabalita. Nakadidismayang sa kabila ng pagiging lantad at bulnerable ng mga health workers sa malubha at nakamamatay na sakit, kulang na kulang ang pagpapahalagang natatanggap nila mula sa pamahalaan.
Ang ating mga nars at iba pang medical frontliners ay may dignidad na dapat pinangangalagaan at itinataguyod. Sinasabi sa Catholic social teaching na Rerum Novarum, kapag may banta ng kapahamakan o mahirap iwasang panganib sa interes o kapakanan ng publiko o ng isang sektor ng lipunan–katulad ng mga health workers—nararapat na kumilos ang pamahalaan. Nangunguna dapat ang pamahalaan sa pagtiyak na nakatatanggap ng sapat at makatarungang pasahod at benepisyo ang mga manggagawa. Ayon nga sa Levitico 19:13, hindi dapat ipinagkakait sa mga manggagawa ang nararapat para sa kanila.
Mga Kapanalig, hindi maikakailang napakalaki ng ambag ng mga nars sa serbisyong pangkalusugan at sa pagliligtas ng buhay ng mga Pilipino. Sa harap ng tumitinding health crisis, ang pagpasok at pagpapatuloy ng mga health workers sa kanilang bokasyon ay higit na nakasalalay sa kung gaano kahusay naibibigay ang pangangailangan, at kung gaano napagtutuunan ng pansin ng sistemang pangkalusugan at ng pamahalaan ang kanilang kapakanan.