178 total views
Mga Kapanalig, sa pagpasok ng buwang ito, umabot na sa dalawang milyon ang mga kaso ng nagpositibo sa COVID-19 sa bansa. Halos dalawang linggo na ang nakararaan nang may mahigit 26,000 bagong kaso ang naitala sa loob lamang ng isang araw. Patuloy pa itong nadadagdagan, pati ang bilang ng mga nasasawi dulot ng delubyong ito. Sa kabila ng pagtindi ng ating laban sa COVID-19, patuloy naman ang tila pagsasantabi sa boses at halaga ng ating mga medical frontliners.
Nakita natin ito sa isang video ng tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Secretary Harry Roque. Ang video ay mula sa miting ng COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kung saan tinututulan ng grupo ni Dr. Maricar Limpin, pangulo ng Philippine College of Physicians, ang planong granular lockdowns ng pamahalaan. Sa video, galit na sinabi ni Secretary Roque na hindi lamang ang mga medical frontliners ang may pakialam sa kalusugan ng taumbayan. Para sa kanya, boses siya ng mga wala nang makain dahil sa mga lockdown. Kinuwestiyon din niya ang puro negatibong komento ng grupo nina Dr. Limpin sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya.
Para kay Dr. Limpin, sinabi lamang niya sa miting ang malubhang estado ng healthcare system sa bansa. Nanawagan siya para sa isang mapanuring hakbang sa pagtatalaga ng quarantine levels. Tanong pa ng doktor, kung kaya ni Secretary Roque na sermonan ang mga doktor, paano pa ang karaniwang tao? Humingi na ng paumanhin ang kalihim para sa kanyang iniasal pero hindi niya binawi ang masasakit niyang mga salita.
Sana ay hindi indikasyon ang inasal ni Secretary Roque ng pagpapahalaga ng ating pamahalaan sa ating medical frontliners. Una sa lahat, naroon si Dr. Limpin bilang isang eksperto bilang kinatawan ng mga totoong sundalo natin sa giyera laban sa COVID-19. Ngunit paano siya tinrato? Pangalawa, sa gitna ng mga balitang kailangan na raw mag-diaper nang ilang nars sa General Santos City para makatipid sa personal protective equipment, bakit patuloy ang tila pagtatakip ng administrasyon sa mga alegasyon ng katiwalian sa DOH? Kung nagamit lamang nang tama ang pondo ng ahensya, hindi tayo magkakaproblema sa supply ng PPE. Panghuli, maaaring ibalik kay Secretary Roque ang tanong niya kay Dr. Limpin: sa tingin ba niya ay walang pakialam ang mga medical frontliners sa dami ng nagugutom dahil sa lockdown? Hindi ba maisasalba lamang ang mga trabaho at mapapakain ang mga taong nagugutom kung maayos ang kanilang kalusugan at tuluyang matatapos ang pandemya?
Naniniwala ang mga panlipunang turo ng Simbahang ang halaga ng paggawa ay batay sa dignidad ng gumagawa o ng taong nilikha ng Maykapal. Ang paggawa ay instrumento upang mabuhay o kumita ang tao nang makapag-ambag siya sa kanyang lipunang ginagalawan, at ito ang ginagawa ng ating mga medical frontliners. Sa tuwing isinasantabi ang boses ng mga manggagawa, nagiging hadlang ang lipunang ito sa pagsasakatuparan sa magandang plano ng Diyos sa paggawa ng tao.
Binibigyang-diin din ng mga turo ng Simbahan ang mahalagang tungkulin ng pamahalaan na tiyaking maayos ang kalagayan ng mga manggagawang katulad ng mga nagtatrabaho sa mga ospital. Kaya naman, hindi katanggap-tanggap ang pagsalitaan nang masakit ang ating mga medical frontliners. Sana ay pinakinggan ang kanilang mga hinaing at pinag-aralan ang kanilang mga mungkahi.
Mga Kapanalig, nawa’y baunin ng ating mga opisyal sa pamahalaan ang paalala mula sa Santiago 1:19: “Ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit.” Sa nagpapatuloy na krisis sa pampublikong kalusugan, makinig tayo sa mga medical frontliners na patuloy na nagbabahagi ng kanilang panahon at lakas. Suporta ang kailangan nila, hindi galit at pambabastos.