325 total views
Ito ang panawagan ng mga makakalikasang grupo sa ikatlong taon ng pagdiriwang ng Anibersaryo ng Laudato Si.
Naniniwala si Father John Leydon, MSSC – Convenor ng Global Catholic Climate Movement-Pilipinas, na isang malaking kabiguan para sa tao kung hindi nito mapakikinggan ang tinig ng Diyos sa pamamagitan ng mga mahihirap at ng kalikasan.
Ayon kay Father Leydon, kung si Maria ay hindi nakinig sa tinig ng Panginoon ay hindi maisisilang si Hesus sa mundo, kaya naman marapat lamang na tularan ito ng mga tao sa pamamagitan ng pakikinig sa tinig ng daigdig.
“Laudato Si is panawagan sa atin na makinig sa tinig ng Diyos sa ating kasalukuyang panahon at makikinig tayo sa pamamagitan ng pakikinig sa daing ng mga dukha at daing ng ating planeta and there can be no greater failure para sa tao na hindi makinig sa tinig ng Diyos. Kung hindi nakinig si Maria sa panawagan we wouldn’t have Jesus, God wants us to listen to the voice of the poor and the voice of the Earth and the Voice of God.” Pahayag ni Father Leydon sa Radyo Veritas.
Samantala, nanawagan naman si Yolly Esguerra – National Coordinator ng Philippine Misereor Partnership Incorporated, ng pagbabago sa pag-uugali at gawi ng pamumuhay o Lifestyle ng bawat tao.
Iginiit ni Esguerra na sa pamamagitan ng payak na pamumuhay at tunay na pakikipag-ugnayan ng tao sa kalikasan ay mas maipadarama nito ang tunay na pagmamahal sa kapaligiran at maihahatid ang katarungan sa lahat ng nilalang ng Diyos.
“Laudato Si is a continuing and moving testimony how the spirit works. Nature, through the climate change challenge to mankind, gave us an insight towards the way to redemption and liberation. Only through an ecological conversion, by embracing our connectedness with nature, that we will be able to care truly and give justice to all creation.” pahayag ni Esguerra.
Dahil dito, iginiit ni Caceres Abp. Rolando Tria Tirona – Chairman ng CBCP NASSA / Caritas Philippines na marapat na buhayin sa isip, lalong lalo na sa puso ng bawat tao ang tunay na mensahe ng Laudato Si.
Ipinaalala ng Arsobispo sa mamamayan na ang bawat tao na nilikha ng Diyos sa sanlibutan ay hindi namumuhay nang mag-isa o para lamang sa kanyang sarili, dahil kaakibat ng buhay na ipinagkaloob sa bawat isa ang pagmamahal at pag-aarugang dapat na ialay ng tao sa kalikasan.
“Huwag nating kalilimutan na hindi tayo nag-iisa sa buhay na ito, nabubuhay tayo kasama natin ang inang kalikasan, sa simula’t-simula yun talaga ang kalooban ng Diyos. Sa kasaysayan, nalihis ang tao, nakalimutan nila ang katotohanang ito, nagsarili ang tao, hindi lamang nagsarili kundi imbis na maglakbay kasama ang kalikasan, inaabuso, sinisira, ine-exploit ang kalikasan, para bang ang kalikasan ay para sa gamit lang ng tao,” pahayag ng Arsobispo.
Kaugnay nito hinimok ni Archbishop Tirona ang mga mananampalataya na maging matatag at suriing mabuti ang tunay na mga suliraning kinakaharap ng kalikasan.
Naninindigan ang Arsobispo sa katatagan sa pagtuligsa sa anumang bagay na sumisira sa kapaligiran ang kinakailangan upang mapag-ibayo ang sinimulan ng Santo Papa sa kanyang Encyclical na Laudato Si.
“Alam natin ang isyung na kaakibat at nakadikit sa issue ng kalikasan na yung mga pag-aabuso, greed, exploitation kaya dapat maging malakas tayo, matatag tayo sa pagtutuligsa ng anumang mga bagay na kumokontra at sumisira ng kalikasan, in other words, huwag tayong maguguluhan magfocus tayo, sabi nga, to solve a problem, you must know the problem.” Pagbabahagi pa ni Abp. Tirona.
Taong 2015 nang Isapubliko ng Kanyang Kabanalan Francisco ang Encyclical na Laudato Si para sa kalikasan.
Labis itong ipinagbunyi ng mga makakalikasang grupo, at hinangaan maging ng iba’t-ibang indibidwal mula sa ibang Relihiyon dahil sa pagbubuklod ng Santo Papa sa bawat isa para sa mas malaking layunin na maprotektahan ang natatangi nating daigdig.